Radyo Kaisahan 107.7 FM
Latest
Muling nagtipon ang mga kawani ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Sariaya ngayong araw, April 13, para sa isinagawang regular na flag raising ceremony na pinangunahan ng Sariaya Municipal Police Station sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief of Police PLTCOL Marlon M. Manalo. Sa naging mensahe ni PLTCOL Manalo, binigyang-diin niya na ang tunay na kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng gulo o pananatili ng tahimik na kalooban kundi ito ay isang aspeto na dapat pinaghihirapan, pinagbubuklod, at pinoprotektahan sa aktwal na buhay. Ayon sa opisyal, ang kapayapaan ay hindi isang abstraktong pangarap kundi isang pangako na dapat pinagsasaluhan ng lahat. Ipinaliwanag din ng hepe ang mandato ng Philippine National Police na maglingkod at protektahan ang publiko kung saan ang kapulisan ay katuwang sa pagbuo ng ligtas na pamayanan at hindi lamang nakatuon sa paghuli ng mga kriminal. Naniniwala ang hanay ng kapulisan na ang kapayapaan ay nagsisimula sa tiwala ng mga mamamayan na lalapit sa kanilang tanggapan nang walang pangamba at may kasiguraduhan na ang bawat ulat ay aaksiyunan nang mabilis at makatarungan. Dahil bawat purok at barangay ay may natatanging hinaing, nanindigan ang PNP na tungkulin nilang makinig sa mga mungkahi at pangamba ng publiko. Sa pamamagitan ng dialogue at partnership, nagkakaroon ng tinig ang bawat sektor at nawawalan ng puwang ang anumang elemento ng kaguluhan. Hinimok din ni PLTCOL Manalo ang komunidad na huwag hintayin na mawala ang katahimikan bago kumilos at sa halip ay patatagin ang komunikasyon upang ang bawat pamilya ay maging katuwang na tagapagtanggol ng kaayusan. Matapos ang seremonya, pinarangalan ng Sariaya MPS ang iba’t ibang stakeholders na naging katuwang nila sa pagpapanatili ng seguridad sa bayan. Kabilang sa mga tumanggap ng pagkilala si Mayor Marivic T. Gayeta dahil sa kanyang hindi matatawarang commitment at suporta sa mga aktibidad at operasyon ng istasyon. Ginawaran din ng parangal ang Kabalikat Civicom Sariaya Chapter para sa kanilang mahalagang papel sa matagumpay na SUMVAC 2026 at sa pagbibigay ng komunikasyon gamit ang based radio at antenna. Kinilala rin si G. Rafael N. Tantuco, Presidente ng Gem Nova International Cooperation, para sa donasyong lupa at pag-aasikaso sa titulo para sa PNP. Hindi rin nakalimutang pasalamatan ang Sariaya Traffic Management Group sa kanilang mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko at pagtiyak sa kaligtasan ng mga motorista at pedestrian noong Oplan Summer Vacation 2026. Kasabay nito, pinarangalan din si G. Ryan P. Panganiban ng RPP Readymix Concrete Inc. dahil sa pagbibigay ng tulong sa pagsesemento ng paligid ng police station grounds. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Pormal nang itinalaga ang mga bagong halal na opisyal at miyembro ng Community Radio Council (CRC) ng Nutriskwela Radyo Kaisahan 107.7 FM para sa taong 2026 sa isang makabuluhang seremonya na ginanap sa Balai Lingkuran ngayong araw ng Biyernes, ika-10 ng Abril, 2026. Pinangunahan ni Mayor Marivic T. Gayeta ang panunumpa sa katungkulan ng lupon sa pangunguna ni Dr. Oman N. Ilagan bilang Chairperson, kasama ang mga Council Officers at mga miyembro mula sa iba’t ibang komite. Sa harap ng alkalde, buong tatag na nangako ang mga opisyal na tutuparin ang kanilang mga tungkulin nang may katapatan, responsibilidad, at dedikasyon. Bahagi ng kanilang panunumpa ang pangakong magsisilbing boses ng komunidad at titiyaking ang serbisyo ng radyo ay magiging inklusibo, impormatibo, at kapaki-pakinabang para sa lahat. Binigyang-diin din sa naturang oath-taking ang pagtalima ng konseho sa bisyon at misyon ng National Nutrition Council (NNC) at ng katuwang na Lokal na Pamahalaan upang itaguyod ang kapakanan ng publiko. Saksi sa nasabing aktibidad ang mga station personnel sa pangunguna ni Station Manager Dr. Irma V. Cadiz at ng kaniyang mga kasamahan, na nagpakita ng buong suporta sa bagong pamunuan na siyang magsisilbing katuwang sa pagpapatakbo at pagpapaunlad ng Nutriskwela Radyo Kaisahan 107.7 FM sa darating na taon. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Matagumpay na naisagawa ang tatlong araw na masusing Monitoring and Evaluation ng Quezon Provincial Nutrition Multisectoral Council (QPNMC) sa bayan ng Sariaya, kung saan muling napatunayan ang dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa patuloy na paglaban sa malnutrisyon. Sentro ng aktibidad nitong April 8 ang isinagawang interview kina Municipal Nutrition Action Officer (MNAO) Reymundo D. Razon at Municipal Nutrition Program Coordinator (MNPC) Maria Arlene C. Palabrica, kasama ang buong Municipal Nutrition Council (MNC). Ang naturang pagsusuri ay bahagi ng prestihiyosong Provincial MELLPI Awards na naglalayong kilalanin ang mga pinakamahusay na lingkod-bayan at munisipalidad sa aspeto ng nutrisyon. Kasunod nito, pormal na inanunsyo ni Provincial Nutrition Action Officer Ms. Joan Maricel Zeta-Decena, RND, ang kahanga-hangang resulta ng ebalwasyon. Ayon sa opisyal, pasok ang Sariaya sa mga kwalipikadong tumanggap ng parangal dahil sa epektibong serbisyong pang-nutrisyon na ipinapatupad sa buong bayan. Sa ginanap na feedbacking session, umani ng mataas na marka ang mga lokal na yunit kung saan nakakuha ang Tumbaga 1 Barangay Nutrition Committee (BNC) sa pangunguna ni Barangay Captain Rhyan E. Magadia ng 78.84%, habang ang kanilang Barangay Nutrition Scholar (BNS) naman na si Julieta Sengco ay nagtala ng 72.91%. Ang mga puntos na ito ay kapwa kabilang sa ranking para sa Provincial Level. Higit na nagniningning ang resulta para sa Municipal Nutrition Council matapos nitong makuha ang 85.43% na marka, dahilan upang mapanatili ang kanilang katayuan sa Green Banner Award. Hindi rin nagpahuli sa indibidwal na kategorya si MNPC Palabrica matapos nitong masungkit ang 90% score, habang 91% naman MNAO Razon, na kapwa pasok para sa Provincial Awards. Ayon kay PNAO Zeta-Decena, ang mga resultang nakuha sa MELLPI Pro ay hindi lamang gagamitin para sa Provincial Level Nutrition Awards kundi magsisilbi ring basehan para sa Regional Level Nutrition Evaluation. Lubos naman ang pasasalamat ng opisyal sa lokal na pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta, gayundin sa mga kawani ng Municipal Nutrition Action Office para sa kanilang walang sawang paglilingkod. Ang Sariaya ang ikatlong bayan na sumailalim sa MELLPI Pro ngayong taon matapos ang mga bayan ng Plaridel at Tagkawayan noong nakaraang buwan ng Marso. Inaasahang magpapatuloy ang monitoring at evaluation ng PNAO sa iba pang mga bayan sa lalawigan ng Quezon hanggang sa buwan ng Hunyo. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Nagkaroon ng isang pagpupulong ang ilang mga kabataan kasama si LYDO- Designate Reniel Martizana kung saan ibinahagi ng Philippine Red Cross Youth (PRCY)– Sariaya Council ang kanilang mga nagawa mula nang mabuo ang kanilang grupo. Ipinakita ng PRCY ang kanilang mga naging proyekto at aktibidad na nakatuon sa pagtulong sa kapwa lalo na sa mga kabataan at komunidad. Bukod dito, inilatag rin nila ang mga susunod pa nilang plano at programa na inaasahang mas makakatulong sa bayan ng Sariaya. Ipinakilala rin ang isang bagong organisasyon na Kalikasan Youth Movement - Sariaya kung saan nakatuon din sila sa pangangalaga sa kalikasan at may mga aktibidad ding inilaan para hikayatin ang kabataan na maging mas responsable sa kapaligiran. Ibinahagi rin ng parehong organisasyon ang kanilang mga nakikitang problema o concern na kinakaharap ng mga kabataan sa Sariaya. Layunin nitong mabigyan ng pansin at aksyon ang mga isyung ito sa tulong ng lokal na pamahalaan. Sa kabuuan, ipinakita ng pagpupulong na aktibo at handang makiisa ang mga kabataan ng Sariaya para sa mas maayos na komunidad at mas ligtas na kinabukasan kaisa ng suporta ni Mayor Marivic T. Gayeta, Vice Mayor Arlene M. Genove kasama ang Sangguniang Bayan ng Sariaya. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Bitbit ang layuning mapalakas ang sektor ng komersyo, inilunsad ng Bangko Kabayan Inc., katuwang ang Pamahalaang Bayan ng Sariaya at Department of Trade and Industry (DTI) – Quezon sa pamamagitan ng Negosyo Center-Sariaya, ang comprehensive entrepreneurship course na Entrep-Eskwela bilang bahagi ng kanilang Corporate Social Responsibility sa bayan. Dinaluhan ang naturang aktibidad ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na nagnanais na mas mapalago pa ang kanilang mga operasyon at mas mapabuti ang takbo ng kanilang mga negosyo. Nakasentro ang kurikulum ng programa sa tatlong mahahalagang aspeto ng pagnenegosyo kabilang ang pagkilala sa sariling kakayahan bilang entrepreneur, ang teknikal na aspeto ng pagpapatakbo ng negosyo, at ang malalim na pag-unawa sa business environment. Isinagawa ang serye ng mga lecture at workshop mula April 6 hanggang April 8 sa ikatlong palapag ng Municipal Building ng Sariaya sa Barangay Sampaloc 2. Sa pagtatapos ng tatlong araw na pagsasanay, nakatakdang ganapin ngayong hapon ang graduation ceremony para sa mga kalahok. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Patuloy ang isinasagawang validation at registration ng mga bagong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa bayan ng Sariaya upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa. Ang pangunahing layunin ng prosesong ito ay ang opisyal na pagrerehistro ng mga pamilyang kabilang sa Listahanan at ang pagpapatunay ng kanilang katayuan sa buhay upang masiguro na ang pondo ng pamahalaan ay mapupunta sa mga tunay na nangangailangan. Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, nailalatag din ang mga tungkulin at kondisyon na dapat sundin ng mga bagong miyembro, tulad ng pagdalo sa Family Development Sessions (FDS) at pagtitiyak na ang mga anak ay regular na pumapasok sa paaralan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Hinirang bilang nangunguna sa barangay level ng Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation Pro o MELLPI Pro ang Barangay Tumbaga 1, dahilan upang opisyal itong iendorso para sa provincial validation ng kanilang mga programa sa nutrisyon. Sa isang eksklusibong panayam kay Municipal Nutrition Action Officer Reymundo D. Razon ngayong araw (April 7) sa Balai Lingkuran, ipinaliwanag nito na ang pagpili sa Tumbaga 1 ay base sa mahusay na pagpapatupad ng mga polisiya, executive orders, at mga extra miles na inisyatiba ng barangay pagdating sa kalusugan. Target ngayon ng nasabing barangay na masungkit ang Provincial MELLPI Awards para sa Outstanding Barangay Nutrition Council at Outstanding Barangay Nutrition Scholar, na magsisilbing requirements nila patungong regional level kung palarin. Samantala, ibinahagi rin ni MNAO Razon ang kasalukuyang estado ng nutrisyon sa buong Sariaya. Bagama’t patuloy na bumababa ang bilang ng mga kaso ng stunted at wasted na mga bata taon-taon, nababahala ang opisyal sa lumalalang trend ng mga overweight sa iba't ibang edad. Ayon kay MNAO Razon, mas hamon ang pagtugon sa mga overweight dahil nangangailangan ito ng mas maraming pisikal na aktibidad at disiplina, kumpara sa wasted at stunted na madaling natutugunan ng mga feeding program. Binigyang-diin niya na ang labis na timbang ay mas mabilis mag-imbita ng iba't ibang uri ng karamdaman. Dahil dito, muling nanawagan ang Municipal Nutrition Action Office sa lahat ng mga Barangay Nutrition Council na maglaan ng sapat na pondo para sa mga programang pang-kalusugan. Handa aniya ang kanilang tanggapan na gumabay sa mga barangay kung paano ang tamang pagpopondo at pagpapatupad ng mga proyekto. Umaasa rin ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta katuwang si Vice Mayor Arlene M. Genove at ng Sangguniang Bayan na sa pamamagitan ng pagkakaisa ay makuha ng Sariaya ang kanilang ikalimang Green Banner Award ngayong taon. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Matagumpay na isinagawa ang masusing Monitoring and Evaluation nitong Abril 6 sa Barangay Tumbaga 1 bilang opisyal na kalahok mula sa bayan ng Sariaya para sa prestihiyosong Provincial Outstanding Barangay Nutrition Council (BNC) at Provincial Outstanding Barangay Nutrition Scholar (BNS). Personal na pinangunahan ni Registered Nutritionist Dietitian Joan Maricel Zeta-Decena, Provincial Nutrition Action Officer, ang nasabing ebalwasyon, kung saan mariin niyang ipinaliwanag ang kahalagahan ng prosesong ito upang matiyak na napananatili ang mataas na antas ng serbisyong pang-nutrisyon sa lalawigan. Kasama rin sa evaluation team ang mga miyembro ng Quezon Provincial Nutrition Multisectoral Council (QPNMC) na sina Kristine Nicolle Estrella, Nutrition Dietitian II mula sa Integrated Provincial Health Office, Ezra Minette B. Lasin, Nutrition Dietitian II at Dik C. Cantos, Acting Broadcast Station Manager ng Radyo Pilipinas Lucena. Nagpakita naman ng buong suporta ang lokal na pamahalaan ng Sariaya sa pamamagitan ni MNAO Reymundo D. Razon, na dumalo sa ngalan ni Mayor Marivic T. Gayeta. Mainit namang tinanggap ng pamunuan ni Kapitan Rhyan E. Magadia ang mga evaluation team, kasama ang mga miyembro ng BNC na sina BNS Julieta A. Sengco, Barangay Midwife Merliza M. Defeo, Barangay Secretary Rogane E. Aguirre, Barangay Treasurer Emerson D. Rosales, at Barangay Kagawad Nelia De Luya. Kabahagi rin sa aktibidad sina Ms. Geellaine J. Arellano bilang School Health Committee Representative at Ms. Regina D. Recio na isang Child Development Worker. Sa loob ng naturang monitoring, mabusising sinuri ng mga evaluators ang mga mahahalagang dokumento at records ng barangay upang makita kung pasok ito sa kwalipikasyon ng Provincial Nutrition Action Office. Layunin nito na kilalanin ang mga barangay na may pinakamahusay na programa laban sa malnutrisyon at maayos na pamamahala sa nutrisyon sa buong lalawigan ng Quezon. Inaasahan namang isasagawa ang pormal na feedbacking sa darating na Abril 8, 2026, araw ng Miyerkules. Dito ay ilalahad ang naging resulta ng ebalwasyon at mga rekomendasyon sa harap mismo ng Punong Bayan ng Sariaya upang mas lalo pang mapatibay ang mga inisyatibong pang-kalusugan sa naturang lugar at sa bayan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Isinagawa nitong Biyernes Santo (April 3) ang prusisyon ng mga santo na nagsimula sa bahagi ng San Francisco de Assisi Parish Church na umikot sa ilang bahagi ng Poblacion ng nasabing bayan. Tampok sa nasabing prusisyon ang mga andas na may mga imahen ng mga santo at ang Sto. Entierro (o ang banal na libing ni Kristo), na karaniwang dinadala ng mga deboto. Ang mga andas ay pinalamutian ng makukulay na bulaklak at mga antigong dekorasyon, at ang mga deboto ay madalas na nag-aabot ng mga bulaklak mula sa mga andas bilang bahagi ng kanilang debosyon. Nabanggit din ng nasabing simbahan na ang ikot ng prusisyon kanina ay magiging ikot din ng San Isidro de Labrador sa darating na Agawan Festival sa susunod na buwan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Pinangunahan ng Bids and Awards Committee o BAC ang kauna-unahang regular na pagtataas ng watawat ng Pilipinas para sa buwan ng Abril, bilang bahagi ng patuloy na pagpapaigting ng serbisyo-publiko ng lokal na pamahalaan ng Sariaya. Sa gitna ng seremonya, ipinakilala ni BAC Chairman Erick Lorena ang Open-mindedness bilang Word of the Week. Ipinaliwanag niya na ang pagiging bukas ang isipan sa mga bagong ideya at pananaw ng iba nang walang agarang paghuhusga ay mahalagang sangkap sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa loob ng trabaho. Aniya, ang pakikinig bago magbigay ng reaksyon ay gabay tungo sa mas maayos at nagkakaisang pamayanan. Sa pananalita ni Mayor Marivic T. Gayeta, naging sentro ng kanyang mensahe ang matatag na disiplina para sa lahat ng kawani ng pamahalaan. Binigyang-diin ng alkalde na ang paglilingkod sa bayan ay hindi lamang isang trabaho kundi isang panata na dapat gampanan nang may integridad. Mariin na pinaalalahanan ng Punong Bayan ang mga empleyado, regular man o Job Order, na iwasan ang kapabayaan at panatilihin ang maagang pagpasok bilang ehemplo ng dedikasyon. Dagdag pa ng alkalde, ang oras sa opisina ay dapat ilaan sa pagtatrabaho at hindi sa mga personal na lakad dahil ang kanilang sahod ay nagmumula sa buwis ng taumbayan. Hinikayat din niya ang lahat na laging ngumiti at magbigay ng maayos na serbisyo sa mga kliyenteng lumalapit sa kanilang mga tanggapan. Kaugnay nito, hiningi rin ni Mayor Gayeta ang unawa ng mga mamamayan hinggil sa nararanasang kakulangan sa tubig ngayong tag-init. Inilahad niya ang kasalukuyang sitwasyon ng apat na malalaking deep well sa Malabunga, Mamala 2, Poblacion 1, at Sampaloc 2 na pawang may malalakas na makina ngunit hirap pa ring tapatan ang pangangailangan ng bayan dahil sa pagdoble ng populasyon ng Sariaya mula sa 50,000 na umabot na sa 110,000 na residente. Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng ikalimang deep well sa bahagi ng palengke at ang personal na pag-inspeksyon ng alkalde sa mga pasilidad upang makahanap ng solusyon para sa 24-oras na suplay ng tubig. Sa pagtatapos ng programa, masaya namang ibinalita ni Mr. Reymundo D. Razon, HRMO - V ang mga bagong karangalang natanggap ng bayan. Kinilala ang Local Civil Registry Office sa pamumuno ni Mr. Roldan B. Luna bilang 3rd Place Outstanding LCR sa Quezon at 2nd Place sa buong CALABARZON para sa Large Category. Hindi rin nagpahuli ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa ilalim ni EnP Sinforoso Martinez Jr. na kinilala bilang Regional Awardee para sa kanilang kahandaan sa mga hamon ng sakuna. Bahagi ang mga parangal na ito sa hindi matatawarang serbisyo ng mga kawani ng Sariaya sa kani-kanilang mga larangan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Bilang paghahanda sa Semana Santa 2026, isinagawa ngayong Martes, Marso 31 ang Incident Action Plan para sa Summer Vacation 2026 o mas kilala bilang Operation SUMVAC 2026 sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa Mayor’s Office, Conference Room sa Sariaya New Municipal Hall. Ibinahagi ni Incident Team Leader Rey Baliber ang mga nakahandang plano para sa ligtas operasyon, at kaligtasan ng mga residente, turista at bisita na dadagsa sa Sariaya. Ayon kay Baliber, magkakaroon ng 10 staging areas ang tanggapan ng MDRRMO na matatagpuan sa Harap ng simbahan; Bypass; Sambat Lutucan; Guisguis Talon; Concepcion Pinagbakuran; Sampaloc Bogon; Mamala 1; Fish Landing; Guisguis Talon Pier; at Talaan to Bantilan (Public Resort). Makakasama rin ang mga uniformed personnel ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard, ganun rin ang ilang mga samahan gaya ng KABALIKAT, REACT, Philippine Red Cross, Bantay Dagat, at iba pa para sa pagsasagawa ng SUMVAC. Ang ibang tanggapan, gaya ng Office on Health Services ay magkakaroon rin ng deployed team na binubuo ng mga RHU Nurses, Midwife at mga DOH Nurses sa iba’t ibang mga staging areas. Binanggit rin ni PLTCOL Marlon Manalo na ang Sariaya PNP ay magkakaroon ng 65 na personnel na ikakalat sa nasabing operasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan, ganun na rin ang daloy ng trapiko. Iginiit rin ni Manalo na ang kooperasyon ng bawat isa ang kailangan para sa isang mapayapang Semana Santa ngayong taon. Ibinilin rin nina Manalo at FSINP Edwin Emradura na iwasan ang basta-bastang pag-iwan sa mga tahanan at ari-arian upang maiwasang manakawan at masunugan. Habang ang ibang mga samahan at organisasyon naman ay magkakaron rin ng sarili nilang deployment ng mga tauhan para sa isang ligtas at maayos na pagsasagawa ng Semana Santa 2026. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Masigla ngunit puno ng pagninilay ang naging huling Flag Raising Ceremony para sa buwan ng Marso sa pangunguna ng Office of the Municipal Planning and Development Coordinator (MPDC). Sinimulan ang regular na pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-awit ng "Pupurihin Ka sa Awit" bilang paraan ng pananalangin. Naging tampok sa programa ang pagtalakay sa salitang PIETY o kabanalan sa pamamagitan ng isang pahulaan nina EnP Ronnie Lindog, Mr. Erwin Lindog, at Engr. Jayson Acuzar. Ayon kay EnP Ronnie Lindog, ang tunay na kabanalan ay ang paggawa ng mga bagay na ikapupuri ng Diyos at hindi para sa sariling interes. Ipinaliwanag niya na ang bawat dokumentong nilalagdaan, bawat taong tinutulungan, at bawat problemang nilulutas ng isang kawani ng gobyerno ay isang anyo ng pagsamba kung ito ay ginagawa nang may integridad, malasakit, at pagpapakumbaba. Naghatid din ng saya ang kanilang tanggapan sa pamamagitan ng mga inihandang sayaw at palaro sa pangunguna ng game master na si Ms. Petchie Umali, kung saan nagkaroon ng palaro na huhulaan ang song title at singer artist nito at pagkatapos ay kakantahin. Nagpaabot naman ng pasasalamat si Admin Randy sa lahat ng mga kababaihan sa LGU, partikular na sa mga babaeng department heads. Kasabay ng pormal niyang pag-imbita sa publiko na saksihan ang Senakulo 2026 sa darating na Miyerkules Santo, April 1, kung saan makakasama sa mga gaganap sa Dulaang Lansangan ang ilang mga empleyado ng pamahalaang bayan. Sa kabila ng mga anunsyong ito, agad na isinagawa ang isang online emergency meeting matapos ang seremonya upang tugunan ang ulat ng sunog na naganap sa bahagi ng Bundok Banahaw na sakop ng bayan ng Dolores, Quezon. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Nagkaisa ang iba't ibang grupo ng kabataan at pamunuan ng barangay sa isang makabuluhang Green and Clean-Up Drive na isinagawa ngayong araw ng palaspas (March 29) sa kahabaan ng Maharlika Highway partikular sa bahaging Purok 2, Barangay Sto. Cristo. Sa simpleng paraan pero may malaking epekto, sama-samang naglinis ang Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan ng nasabing barangay, Bagong Kabataan ng Sto. Cristo o BAKAS at Kabataan Para sa Kalikasan o KPK. Bitbit ang malasakit sa kalikasan, kanilang pinulot ang mga basura at inayos ang paligid upang maging mas maaliwalas at ligtas para sa lahat. Ayon sa mga kalahok, layunin ng aktibidad na hindi lang linisin ang kapaligiran kundi hikayatin din ang bawat mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng basura. Bahagi rin ito ng pakikiisa sa Earth Hour na ginanap kahapon kung saan ito ay isang pandagdigang paalala na mahalaga ang bawat maliit na aksyon para sa kalikasan. Samantala, bukas naman ang Kabataan Para sa Kalikasan sa pakikipagtulungan sa iba pang kabataan sa 43 barangay gayundin sa maging gustong maging miyembro ng nasabing organisasyon. Target nilang palawakin pa ang ganitong gawain upang mapanatili ang kalinisan hindi lang sa komunidad kundi pati sa kabundukan, kapatagan, at karagatan. Panawagan din ng BAKAS sa lahat ng gustong makilahok na mga kabataang naninirahan sa Sto. Cristo na ipagbigay alam ito sa kanila. Sa huli, ipinakita ng aktibidad na kapag nagtutulungan ang komunidad, kayang makamit ang isang mas malinis, mas maayos at mas luntiang kapaligiran na isa sa mga prayoridad ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta, Vice Mayor Arlene Genove at ng Sangguniang Bayan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Muling pinatunayan ng isang Ginang mula sa Barangay Castañas na ang pagiging ina ay hindi hadlang sa pag-abot ng mga pangarap matapos hirangin bilang Fourth Runner-Up ng Huwarang Ginang 2026 si Michelle B. Simondac. Sa naging panayam sa programang “Ibida mo sa Radyo” ng Radyo Kaisahan 107.7 FM, ibinahagi ng 32-anyos na ginang ang kanyang inspirasyong kwento bilang isang masipag na saleslady sa isang malaking grocery store at mapagmahal na ina sa tatlong anak na lalaki. Ayon kay Simondac, malaki ang kanyang pasasalamat sa pamahalaang bayan ng Sariaya dahil sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga nanay na maging bahagi ng komunidad at magsilbing boses ng kababaihan ngayong Women’s Month. Sa kabila ng pagiging "nerbiyosa," hinarap ni Simondac ang hamon ng entablado upang malabanan ang kanyang takot sa pamamagitan ng pagsali sa mga aktibidad gaya ng Zumba at mga barangay pageant. Hindi rin niya inasahan na makakapasok siya sa Top 5 finalist ng Huwarang Ginang, ngunit lalong nabuhayan siya ng loob matapos makuha ang minor award na "Most Glamorous" at marinig ang hiyaw ng suporta mula sa kanyang mga kabarangay. Para sa kanya, ang pagiging isang huwarang ginang ay nagsisimula sa pagiging modelo sa loob ng sariling tahanan at aktibong pakikilahok sa mga programa ng barangay na nagsusulong sa karapatan ng mga babae. Binigyang-diin din ni Simondac ang kanyang istilo ng pagpapalaki sa kanyang mga anak. Bagama't pawang mga lalaki, tinuruan niya ang mga ito ng mga gawaing bahay at sinigurong lumalaking malusog sa pamamagitan ng tamang nutrisyon. Ibinahagi niya ang kanyang matagumpay na breastfeeding journey kung saan umabot ng dalawang taon ang pagsuso ng kanyang mga anak, gayundin ang kanyang diskarte sa pagkain kung saan hindi nawawala ang sinabawang gulay sa kanilang hapag-kainan. Sa huli, iniwan niya ang mensahe na ang kalinga ng isang ina ay ang pinakamahalagang pundasyon sa paglaki ng mga bata upang maging maayos at produktibong bahagi ng lipunan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Matagumpay na isinagawa ang isang Operation Tuli at Dental Mission sa Barangay Sampaloc 2, Sariaya, Quezon ngayong araw, March 28, 2026. Ang nasabing aktibidad ay inisyatibo ng AFP Southern Luzon Command (SOLCOM) katuwang ang Sangguniang Barangay upang magbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga residente. Sa kabuuan mayroong 39 na residente ang napaglingkuran sa bunot ng ngipin, habang 48 na kabataan naman ang matagumpay na natulian sa nasabing misyon. Naging katuwang sa tagumpay ng programa ang mga dedikadong staff mula sa Rural Health Unit (RHU) sa pangunguna nina Dr. Omar N. Ilagan, Municipal Health Officer I, Nurse Jessa M. Reynoso, Midwife Mavic G. Ayag, at DOH Nurse ng Sampaloc 2 na si Lyniel D. Habito. Layunin ng misyong ito na ilapit ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga malalayong komunidad, lalo na para sa mga kabataang sasailalim sa libreng tuli ngayong panahon ng bakasyon at mga residenteng nangangailangan ng kalingang dental. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Sumailalim sa masinsinang pagsasanay ang mga kawani ng lokal na pamahalaan sa Basic Life Support (BLS) at Standard First Aid mula March 23 hanggang 27 bilang paghahanda sa mas mabilis at maayos na pagresponde sa mga emergency sa komunidad. Isinagawa ang aktibidad sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni MDRRM Officer Sinforoso Martinez Jr., kasama ang kanyang mga kawani na aktibong sumuporta sa buong pagsasanay. Dumalo ang iba’t ibang tanggapan ng LGU upang matutunan ang tamang pagresponde sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang aksyon tulad ng biglaang pagkahimatay, aksidente, at iba pang sakuna. Pinangunahan naman ang pagsasanay ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (QPDRRMO) sa pamumuno ni Dr. Melchor Avenilla, Jr., katuwang ang mga facilitator na sina Roy Christopher Carpio, Cesar Ryan Ellaga, Paul Lawrence Oliveros, Omar Gajo, Neil Parco, at MJ Adam. Ayon kay Avenilla Jr., napakahalaga ng kaalaman sa BLS at Standard First Aid dahil ito ang unang tulong na naibibigay sa isang pasyente bago pa dumating ang mga propesyonal na responder. Ang Basic Life Support (BLS) ay mga paraang ginagawa kapag ang isang tao ay hindi na humihinga o walang pulso kabilang dito ang CPR at paggamit ng AED kung mayroon upangmaibalik ang paghinga at tibok ng puso. Samantala, ang Standard First Aid ay paunang lunas sa mga karaniwang pinsala tulad ng sugat, paso, bali, at pagdurugo. Layunin nitong maiwasan ang paglala ng kondisyon ng pasyente habang hinihintay ang mas kumpletong tulong medikal. Nagpasalamat si Martinez Jr. sa lahat ng tanggapan na nagpadala ng kanilang kinatawan sa pagsasanay. Pinasalamatan din niya sina Mayor Marivic T. Gayeta, Vice Mayor Arlene Genove, at ang Sangguniang Bayan sa patuloy na suporta sa mga programang naglalayong mapalakas ang kahandaan ng komunidad. Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, inaasahang mas magiging handa ang mga kawani ng pamahalaan na rumesponde at makapagligtas ng buhay sa oras ng pangangailangan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story