Sumailalim sa masinsinang pagsasanay ang mga kawani ng lokal na pamahalaan sa Basic Life Support (BLS) at Standard First Aid mula March 23 hanggang 27 bilang paghahanda sa mas mabilis at maayos na pagresponde sa mga emergency sa komunidad. Isinagawa ang aktibidad sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni MDRRM Officer Sinforoso Martinez Jr., kasama ang kanyang mga kawani na aktibong sumuporta sa buong pagsasanay.
Dumalo ang ibaโt ibang tanggapan ng LGU upang matutunan ang tamang pagresponde sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang aksyon tulad ng biglaang pagkahimatay, aksidente, at iba pang sakuna. Pinangunahan naman ang pagsasanay ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (QPDRRMO) sa pamumuno ni Dr. Melchor Avenilla, Jr., katuwang ang mga facilitator na sina Roy Christopher Carpio, Cesar Ryan Ellaga, Paul Lawrence Oliveros, Omar Gajo, Neil Parco, at MJ Adam.
Ayon kay Avenilla Jr., napakahalaga ng kaalaman sa BLS at Standard First Aid dahil ito ang unang tulong na naibibigay sa isang pasyente bago pa dumating ang mga propesyonal na responder.
Ang Basic Life Support (BLS) ay mga paraang ginagawa kapag ang isang tao ay hindi na humihinga o walang pulso kabilang dito ang CPR at paggamit ng AED kung mayroon upangmaibalik ang paghinga at tibok ng puso. Samantala, ang Standard First Aid ay paunang lunas sa mga karaniwang pinsala tulad ng sugat, paso, bali, at pagdurugo. Layunin nitong maiwasan ang paglala ng kondisyon ng pasyente habang hinihintay ang mas kumpletong tulong medikal.
Nagpasalamat si Martinez Jr. sa lahat ng tanggapan na nagpadala ng kanilang kinatawan sa pagsasanay. Pinasalamatan din niya sina Mayor Marivic T. Gayeta, Vice Mayor Arlene Genove, at ang Sangguniang Bayan sa patuloy na suporta sa mga programang naglalayong mapalakas ang kahandaan ng komunidad.
Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, inaasahang mas magiging handa ang mga kawani ng pamahalaan na rumesponde at makapagligtas ng buhay sa oras ng pangangailangan.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.