Radyo Kaisahan 107.7 FM
Latest
Nagningning ang entablado ng Colegio De Santo Cristo de Burgos nitong Mayo 12 matapos irampa ng mga Mr. & Ms. Teen Sariaya 2026 ang mga kakaibang obra ng isang local fashion designer na si Vanvan Yulo! Sa gitna ng bonggang Production Number Competition, hindi lang fashion ang nangibabaw kundi pati na rin ang galing at kumpiyansa ng mga kabataang Sariayahin. Kasunod ng kapana-panabik na kompetisyon, agad na iginawad sa mga natatanging kalahok ang iba’t ibang Special at Minor Awards bilang pagkilala sa kanilang husay. SPECIAL AWARDS Powerscents Ambassador & Ambassadress Mr. Martin Jake Lopez & Ms. Maureen Venenoso Mr. & Ms. Teen Congeniality Mr. Tyron Karl Dalangin & Ms. Julie Nicole Dimailig Mr. & Ms. Teen Photogenic Mr. Mike Andrei Marcuap & Ms. Amelia Cline Mr. & Ms. Teen Popularity Mr. Mark Anthony Gerez & Ms. Trisha Palomares Mr. & Ms. Teen Personality Mr. Mark Mendoza & Tricia Lustado Ohana Choice Award Mr. Clark Terrence Austria Mr. Kenjie Saberon Ms. Maureen Venenoso Ms. Rihanna Mamuyac Wancho’s Restobar Choice Award Mr. Amiel Darius Damian & Ms. Rihanna Mamuyac Bukid AMYR’s Choice Award Mr. John Michael Mangubat & Ms. Julie Nicole Dimailig DPM Choice Award Mr. John Michael Mangubat & Ms. Rihanna Mamuyac Telegenic Choice Award by Charlie Mortilla Mr. Mike Andrei Marcuap & Ms. Jasmin Mabait People’s Choice Award Mr. Clark Terrence Austria & Ms. Trisha Palomares Don Bulalo’s Choice Award Mr. Clark Terrence Austria & Ms. Maureen Venenoso Betterlife Treatment Choice Award Mr. Adrian James Vereaña & Ms. Rihanna Mamuyac Balai Sadyaya Choice Award Mr. Adrian James Vereaña & Ms. Maureen Venenoso Touchdown Choice Award Mr. Mark Anthony Arca & Ms. Maureen Venenoso Ferdie’s Choice Award Mr. Tyron Karl Dalangin & Ms. Almira Beatrice Lawin’s Choice Award Mr. Mike Andrei Marcuap & Ms. Maureen Venenoso Franshekaizer Services Choice Award Mr. Kenjie Saberon & Ms. Maureen Venenoso Studio CNA Choice Award Mr. Adrian Arandia & Ms. Julie Nicole Dimailig Studio CNA Ambassador & Ambassadress Mr. Tyron Karl Dalangin & Ms. Maureen Venenoso Best Smile Award Mr. Mark Andrei Marcuap & Ms. Trisha Palomares MINOR AWARDS Best in Production Wear Mr. Adrian James Vereaña & Ms. Maureen Venenoso Best in Swim Wear Mr. Martin Jake Lopez & Ms. Maureen Venenoso Best in Formal Wear Mr. Martin Jake Lopez & Ms. Maureen Venenoso Best Designer for Male Fashion Designer Jamille Manalo Best Designer for Female Fashion Designer Ace delas Alas #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Matapos ang masusing kompetisyon, opisyal nang kinoronahan ang mga bagong mukha na magrerepresenta sa kabataang Sariayahin. Wagi bilang Mister Teen Sariaya 2026 si Andrei James Vereaña mula sa Barangay Balubal, habang nasungkit naman ni Tricia Lustado ng Barangay Pili ang titulong Miss Teen Sariaya 2026 sa ginanap na Grand Coronation Night nitong ika-12 ng Mayo. Namayagpag ang dalawa dahil sa kanilang husay, kumpiyansa at karisma sa harap ng mga hurado at manonood sa Colegio de Santo Cristo de Burgos. Kasama sa mga nagwagi at bumuo sa hanay ng mga titulo sina Mike Andrei Marcuap at Maureen Venenoso bilang Mister and Miss Teen Tourism, habang tinanghal naman na Mister and Miss Teen Culture sina John Michael Mangubat at Amelia Cline. Nakamit nina Martin Jake Lopez at Julie Nicole Dimailig ang 1st Runner-Up, sinundan nina Kenjie Saberon at Rihanna Mamuyac bilang 2nd Runner-Up, at nakuha nina Mark Anthony Arca at Axcelle Rose Laroza ang 3rd Runner-Up. Sa mensaheng ibinahagi ni Mayor Marivic T. Gayeta sa pamamagitan ni Municipal Administrator Randy L. Tronila, binigyang-diin niya na ang layunin ng patimpalak ay ipagdiwang ang galing ng kabataang Sariayahin. Aniya, ang lahat ng kandidato ay itinuturing nang mga nanalo dahil sa kanilang katapangan na humarap at kumatawan sa kanilang sariling barangay. Dagdag pa niya, ipinakikita ng mga kabataang ito na ang Sariayahin ay hindi nagpapahuli pagdating sa ganda at talento. Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mr. Ambo Razon, Overall Chairperson ng North Star Organization, sa naging suporta ng buong bayan ng Sariaya na naging susi sa tagumpay ng patimpalak. Kinilala rin niya ang mahalagang papel ng mga hurado, sponsor at mga opisyal ng gobyerno kabilang sina Congressman Jayjay Suarez at Alona Partylist Representative Inday Tina Talavera-Lopez, Mayor Marivic T. Gayeta at PPSK President Aicon Candace T. Lopez. Binigyang-pugay din niya ang Sariaya Make-up Artist Association, Sariaya Fashion Designer Association, at ang LGBTQ Sariaya sa kanilang labindalawang taon na pagsuporta sa nasabing kompetisyon. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Pormal nang sinimulan ngayong Martes, Mayo 12, sa Colegio de Santo Cristo de Burgos ang Pre-Pageant Competition ng Mr. & Ms. Teen Sariaya 2026 bilang bahagi ng pagdiriwang ng taunang Agawan Festival sa pangunguna ng North Star Organization. Nagningning sa entablado ang 16 na kabataang kalalakihan at 15 na kabataang kababaihan sa isinagawang preliminaries competition kung saan ipinamalas nila ang kani-kanilang husay at kumpiyansa sa Production Number, Casual Wear, at Tribe Costume Competition. Tampok din sa naturang kompetisyon ang mga malikhaing kasuotan na likha ng Sariaya Fashion Designers Association. Mas lalo pang naging makulay ang programa sa pangunguna ng mga host na sina Binibining Sariaya 2023 Regine Gonzales at Mister Teen Sariaya 2022 Amir Magadia sa pagpapakilala ng mga nagwagi sa iba’t ibang special awards. Kinilala bilang Miss Teen Nail Tech by Kath Choice Award sina Ms. Rihanna Mamuyac, Ms. Trisha Palomares, Ms. Queen Anne Javier, Ms. Axcelle Rose Laroza, at Ms. Amelia Cline. Nasungkit naman nina Mr. Martin Jake Lopez at Ms. Amelia Cline ang parangal na Best in Casual Wear matapos nilang ipakita ang kanilang natatanging dating at estilo sa entablado. Sa tampok na Tribe Costume Competition, itinanghal bilang Best in Tribe Costume sina Mr. Mark Anthony Arca at Ms. Amelia Cline. Nakuha naman nina Mr. Clark Terrence Austria at Ms. Maureen Venenoso ang 1st Runner-Up Best in Tribe Costume, habang kinilala bilang 2nd Runner-Up Best in Tribe Costume sina Mr. Kenjie Saberon at Ms. Niña Irish Llegado. Magpapatuloy ang ikalawang bahagi ng kompetisyon mamayang alas-6 ng gabi para ipakilala ang susunod na tatanghalin na Mister and Miss Teen Sariaya 2026. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Muling uminit ang kalan at dumagsa ang mga nagaabang na mamimili sa pagbubukas ng Agawan Festival Food Bazaar nitong Lunes, Mayo 11. Sa pangunguna ng Sariaya Vendors and Foodcarts Association, naging sentro ng takam ang kahabaan ng Rizal Street kung saan ibinibida ang iba’t ibang uri ng pagkain at mga lokal na delikasiya. Mula sa mga paboritong shawarma, fruit shakes, at Korean street food, hindi rin nagpahuli ang kasalukuyang viral at trending na Ilocos empanada na dinarayo ngayon ng mga foodies. Inaasahang lalong sisigla ang gabi sa bayan dahil bukas ang nasabing bazaar simula alas-singko ng hapon para sa lahat ng nais makitakam at makisaya sa selebrasyon. Ang mga food stalls na ito ay mananatili sa lugar upang magsilbi ng masasarap na putahe hanggang sa mismong araw ng kapistahan sa darating na Mayo 15. Kaya para sa mga naghahanap ng mapapasyalan at mapaglalamanan ng tiyan, ang Agawan Festival Food Bazaar ang 'place to be' ngayong linggo sa Sariaya. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Nagbigay ng mahahalagang paalala at impormasyon nitong Biyernes (May 6) si Municipal Fire Marshall FSINSP Edwin A Emradura sa programang ‘Alerto!’ kasama si Kuys Kenneth kaugnay ng patuloy na pagtaas ng insidente ng sunog sa Sariaya at iba’t ibang bahagi ng bansa. Ayon kay FSINSP Emradura, isa sa madalas na sanhi ng sunog lalo na ng grassfire ay ang simpleng pagsusunog ng basura at pagtatapon ng upos ng sigarilyo kung saan-saan. Aniya, hindi lamang ari-arian ang nalalagay sa panganib kundi maging ang kalusugan ng mga residente, lalo na ang mga may hika o asthma na naaapektuhan ng usok. Dagdag pa niya, ipinagbabawal ang pagsusunog dahil bukod sa polusyon ay nakakadagdag din ito sa pagkasira ng kalikasan gaya ng pagpapanipis ng ozone layer. Ipinaliwanag din ni Emradura na sa oras ng sunog, inuuna muna ng mga bumbero na iligtas ang mga katabing bahay o establisyemento upang hindi na lumawak pa ang apoy. Ang paraang ito ay tinatawag na “cover exposure.” Nagbigay rin siya ng paalala sa publiko na huwag nang bumalik sa nasusunog na bahay para kumuha ng mahahalagang gamit dahil maaari itong magdulot ng mas malaking panganib sa buhay. Mas mainam na ipaubaya na lamang ito sa mga rumespondeng bumbero. Para naman sa mga bahay na gawa sa light materials, pinayuhan niya ang mga residente na regular na ipasuri ang linya ng kuryente sa lisensyadong electrician upang maiwasan ang electrical fire. Paalala rin niya na tiyaking nakapatay ang kandila at kalan matapos gamitin at huwag hayaang makapaglaro ng lighter o posporo ang mga bata. Kaugnay nito, hinikayat din niya ang publiko na iwasan ang paggamit ng “octopus connection” o sobrang daming nakakabit sa iisang saksakan dahil maaari itong magdulot ng short circuit at sunog. Bago umalis ng bahay o establisyemento, mainam din umanong tanggalin sa saksakan ang appliances at gadgets o kaya naman ay ibaba ang breaker upang maiwasan ang pinsala kapag may electrical fluctuation. Samantala, para sa agarang responde sa sunog at iba pang emergency, maaaring tumawag ang publiko sa 911 o sa mga numerong 0967-413-0263 at (042) 525-8756. Nakasuporta naman sa Bureau of Fire Protection ang lokal na pamahalaan ng Sariaya sa pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta, Vice-Mayor Arlene M. Genove at Sangguniang Bayan ng Sariaya. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Mas buhay na buhay ang kulay at tradisyon sa bayan ng Sariaya matapos pormal na simulan nitong Lunes, Mayo 11, ang pagdiriwang ng Agawan Festival 2026. Sa gitna ng kalsada ng Daliz Street, pinangunahan ni Mayor Marivic Gayeta ang tradisyunal na ribbon-cutting ceremony. Kasama ang mga opisyal mula sa Sariaya Tourism Culture and the Arts Office (STCAO) at Office of the Municipal Agriculturist, opisyal nang idineklara ang pagsisimula ng selebrasyon na dadagsain ng mga turista hanggang sa Biyernes, Mayo 15. Nakiisa rin sa pagbubukas sina Dr. Ruben De Gracia Jr., Chief Tourism Officer-Designate, Amalita Amores, Municipal Agriculturist OIC, mga miyembro ng Sariaya Tourism Enterprises Association at ilang department heads ng lokal na pamahalaan. Nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Gayeta sa suporta ng mga mamamayan. Hindi rin nito kinalimutang ibida ang mga makukulay na arko handog ng URC na nagsisilbing welcome signage sa tulay ng Munting Bayan at hangganan ng Barangay Poblacion 3 at Barangay Balubal. "Ang bawat dekorasyon at arko ay simbolo ng ating pagkakaisa at masaganang ani dito sa Sariaya," ani Mayor Gayeta. Matapos ang ribbon cutting, agad rin na binuksan and mga Agri-Tourism Booth sa Barangay Tampok dito ang mga bagong aning gulay at prutas mula sa mga lokal na magsasaka, orihinal na produktong tatak Sariayahin at handicrafts. Personal na nilibot nina Mayor Gayeta at Vice Mayor Arlene Genove ang bawat booth para magpakita ng suporta sa mga lokal na magsasaka at MSMEs (Micro, Small, and Medium Enterprises). Sa mga nais bumisita at mamili, bukas ang mga booth mula 8:00 ng umaga hanggang hapon. Magtatagal ang Agri-Tourism Booth hanggang sa mismong araw ng kapistahan sa Mayo 15. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Pinrusisyon ang mga imahe ni San Isidro Labrador mula sa iba’t ibang kalsada ng Poblacion area patungo sa Simbahan ng St. Francis of Assisi Parish ngayong araw (May 11) bilang bahagi ng pagbubukas ng pagdiriwang ng Agawan Festival. Itinuturing na isang makabuluhang hakbang ang naturang aktibidad para sa paghahanda sa malakihang kapistahan ng bayan na layuning magbigay ng pasasalamat at pagpupugay sa buhay at mga himala ni San Isidro Labrador na kinikilalang patron ng mga magsasaka para sa masaganang ani na kanilang nararanasan. Bilang bahagi ng seremonya, binasbasan ang mga imaheng nagmula sa limang iba't ibang parokya sa pangunguna ni Reb. P. Everette Calvendra. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Binigyang-diin ang pagbabahagi ng salitang ‘intelligence’ sa isinagawang flag raising ceremony ngayong araw (Mayo 11) na pinangunahan ng tanggapan ng General Services Office (GSO). Anila, ang ‘intelligence’ ay hindi lamang tungkol sa talino, kundi pati sa tamang pakikitungo sa kapwa at pagrespeto sa bawat isa. Ito ang nagsilbing ‘values of the week’ na may paalala sa lahat na maging maayos at magalang sa pakikisalamuha sa ibang tao. Samantala, nagbahagi rin si Nurse II Myra C. Beltran ng ilang mahahalagang impormasyon kaugnay ng mga programa ng Rural Health Unit para sa mga buntis bilang bahagi ng pagdiriwang ng Safe Motherhood Week. Taglay ng selebrasyon ang temang, “Kalidad na Pangangalaga sa Ina, Kalusugan ng Sanggol may Garantiya” na layuning palakasin ang kaalaman ng mga ina tungkol sa wastong pangangalaga sa kanilang kalusugan at sa kanilang sanggol. Buong suporta naman ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta, Vice- Mayor Arlene M. Genove at ng Sangguniang Bayan pagdating sa pagsasabuhay ng values of the week at iba pang aktibidad na ibinahagi sa mga kawani. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Binuksan na nitong ika-9 ng Mayo ang hudyat ng masiglang pagdiriwang ng Agawan Festival sa bayan ng Sariaya, matapos ang matagumpay na Rakrakan sa Agawan 2026 sa Sariaya Agricultural Trading Center. Naging sentro ng entablado ang iba’t ibang banda mula sa buong lalawigan ng Quezon, kung saan ipinamalas nila ang husay sa pag-awit at mastery sa pagtugtog ng bass, electric guitar, at drums. Naging posible ang naturang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lokal ng Sariaya sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta katuwang ang Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Arlene M. Genove at Sariaya Tourism Culture and the Arts Office sa pangangasiwa ni Dr. Ruben de Gracia Jr., kasama ang Quezon Empire at Makol’s Jam at Tipay Production. Nagpabilib at nagpakitang-gilas sa entablado ang mga sumusunod na banda, kabilang ang Fistful of Steel; Waterbased; Sentimental; Flordeluna; Akuji Aelius; Purwisyo; Acciaccatura; Major! Malfunction; Peri’Grin; Project Deta Pack; Death Among Ruins; Tipay Collective. Sa huli, ang tagumpay ng Rakrakan sa Agawan ay magsisilbing maapoy na pasimula para sa mas marami pang aktibidad na nakahanay para sa taunang kapistahan ng bayan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Patuloy ang pag-arangkada ng programang kalinga para sa mga Persons with Disabilities (PWD) sa bayan ng Sariaya matapos isagawa ngayong araw, ika-8 ng Mayo, ang mahalagang assessment at pagkuha ng sukat para sa prosthetic legs ng tatlong benepisyaryo sa Mediwalk Cainta, Rizal. Ang mga naturang indibidwal ay nagmula pa sa mga barangay ng Mamala 1, Poblacion 4, at Concepcion Palasan na personal na sumailalim sa proseso upang muling makalakad nang maayos. Kasabay nito, isang PWD naman mula sa Barangay Balubal ang nabigyan din ng pagkakataon na maipasuri at maipa-adjust ang kanyang prosthetic leg upang matiyak ang kaginhawaan sa paggamit nito. Ayon kay Eliselda V. Rule, Quezon Coordinator ng Mediwalk, dadaan sa masusing preparasyon ang mga kagamitan at tinatayang aabutin ng isa hanggang dalawang buwan bago pormal na maipamahagi ang mga prosthetic legs sa mga nabanggit na benepisyaryo. Binigyang-diin ni Gng. Rule na bagama’t naging hamon ang layo ng biyahe mula Sariaya patungong Cainta, hindi matatawaran ang saya at pag-asang bakas sa mukha ng mga PWD dahil sa biyayang kanilang matatanggap. "Bagama’t malayo ang biyahe mula sa Sariaya patungo sa Cainta Rizal, bakas naman sa mukha ang saya ng mga benepisyaryo sa pagkakataong mabigyang ng mga prosthetics legs ang mga benepisyaryo," pagbabahagi ni Gng. Rule Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang mga benepisyaryo kay Punong Bayan Marivic T. Gayeta at Municipal Administrator Randy L. Tronila para sa walang sawang suporta nito at malasakit sa mga PWD sa bayan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Nagbahagi ng mahahalagang impormasyon at karanasan si Dr. Lyndon John A. Albay, patungkol sa programa ng Department of Health na Doctors to the Barrios sa programang Health Watch sa Radyo Kaisahan kasama si Sissy Larah. Ayon kay Dr. Albay, ang Doctors to the Barrios o DTTB ay nagsimula pa noong 1993 sa ilalim ng pamumuno ni dating DOH Secretary Juan Flavier kung saan sa kasalukuyan ay nasa tatlong libong doktor na ang naka-deploy sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas para sa tatlong taong community service. Binigyang-diin ng doktor ang malaking pagkakaiba ng pagtatrabaho sa pampublikong sektor kumpara sa pribadong ospital. Kung sa private ay karaniwang umaabot sa dalawampu’t apat na oras ang duty, sa gobyerno ay sinusunod ang walong oras na trabaho mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon ngunit mas nakatutok naman sa pangangailangan ng komunidad. Sa bayan ng Sariaya, sinabi ni Dr. Albay na ang mga naninirahan sa malalayong lugar gaya ng mga nasa paanan ng bundok Banahaw ang madalas na nangangailangan ng atensyong medikal. Nahahati umano sa dalawang kategorya ang mga sakit na kanilang tinutugunan: ang mga nakakahawa tulad ng sipon, ubo, lagnat, trangkaso, at tuberculosis; at ang mga di-nakakahawa gaya ng diabetes, hypertension, at atake sa puso. Bagama’t nakatutulong sa marami, inamin ni Dr. Albay na ang pinakamahirap na bahagi ng pagiging isang DTTB ay ang pagkakalayo sa kanyang hometown at pamilya. Gayunpaman, pilit itong pinapagaan ng mga programang tulad ng PuroKalusugan kung saan personal siyang bumibisita sa mga lugar ng Antipolo, Banahaw, Bogon, Sampaloc 1, at Limbon upang tutukan ang nutrisyon at kalusugan ng mga residente. Para sa kanya, ang simpleng pasasalamat mula sa mga pasyente ang nagsisilbing pinaka-memorable niyang karanasan na nagpapagaan ng kanyang pakiramdam sa gitna ng pagod. Inspirasyon din umano niya ang neurologist na si Dr. Elton Ong na hinahangaan niya dahil sa pagkakaroon ng malaking puso at pagtulong sa lahat ng uri ng pasyente anuman ang katayuan sa buhay. Sa pagtatapos ng panayam, nanawagan si Dr. Albay sa mga tagapakinig na huwag mag-atubiling pumunta sa Rural Health Unit - Sariaya at samantalahin ang mga libreng serbisyo ng DOH para sa kanilang kalusugan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Masiglang tinalakay sa programang Masaganang Ani Program ng Radyo Kaisahan ang mga hakbangin ng lokal na pamahalaan upang mapalakas ang sektor ng agrikultura sa bayan, partikular na ang pagpapalago ng mga high value crops (HVC). Sa panayam ni Kuys Wacky nitong April 23, binigyang-diin ang kahalagahan ng modernisasyon at suporta sa mga magsasaka upang matiyak ang sapat na kita at suplay ng pagkain. Ipinaliwanag ni G. Mark Allyson D. Palomado, Agriculturist Technologist, na ang mga high value crops ay binubuo ng mga pananim na may mataas na demand sa merkado at mabilis na naibebenta gaya ng talong, okra, kalabasa, ampalaya, sitaw, saging, cacao, at kape. Aniya, prayoridad ng munisipyo ang High Value Crops Development Program Enhancement Productivity Enhancement Program na nakatuon sa pagpapataas ng ani ng mga lokal na prodyuser. Upang maging bahagi ng programa, binanggit ni G. Palomado na kinakailangang rehistrado ang mga magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at aktibong nagtatanim ng mga naturang produkto. Aniya, "Malaking bentahe kung mayroon silang samahan" dahil mas madali ang koordinasyon ng mga tulong mula sa gobyerno. Sa ilalim ng nasabing programa, nagsasagawa ang kanilang opisina ng soil testing at monitoring upang matiyak na malusog ang lupang taniman. Nagbabala rin siya sa panganib ng pagiging acidic ng lupa dahil sa labis na paggamit ng kemikal na abono. Bilang solusyon, iminungkahi ni G. Palomado ang pagpapahinga ng lupa o ang pagtatanim ng monggo bilang "green manure" na nagtataglay ng nitrogen-fixing bacteria. Bukod sa teknikal na payo, namimigay din ang lokal na pamahalaan ng mga libreng binhi, plastic crates, at drum para sa mga rehistradong magsasaka sa tulong ng DA Regional Office at Office of the Provincial Agriculturist (OPA). Pagdating naman sa hamon ng bagsak-presyo dahil sa sobrang suplay mula sa ibang rehiyon, tiniyak ni G. Palomado na may mga nakahandang interbensyon ang lokal na pamahalaan. "Tinutulungan silang magbenta nang direkta upang hindi dumaan sa middleman," pahayag niya, sabay paliwanag na may mga post-harvest facilities na sa Mamala at Manggalang para sa mas maayos na pag-aayos ng mga produkto bago dalhin sa mga merkado sa Maynila. Sa huli, hinimok ng opisyal ang mga magsasaka na samantalahin ang mga serbisyong gaya ng crop insurance, lalo na ngayong panahon ng El Niño at pag-atake ng mga peste. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Kasabay ng isinagawang pagbaba sa Barangay Guisguis San Roque ngayong Huwebes, Mayo 7, nagsagawa ang Dental Health Section ng Rural Health Unit Sariaya ng Oral Health Education para sa mga buntis mula sa 43 barangay ng bayan. Pinangunahan ni Dr. Simeon Alcantara, Dentist II, ang nasabing aktibidad na layuning mapalawak ang kaalaman ng mga nagdadalang-tao hinggil sa wastong pangangalaga ng kalusugan ng ngipin at bibig upang mapanatili ang kanilang maayos na kalagayan habang nagbubuntis. Bahagi rin ng programa ang pagbibigay ng mahahalagang impormasyon ukol sa tamang oral hygiene at kahalagahan ng regular na dental check-up para sa kalusugan ng ina at sanggol. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Patuloy na inilalapit ng Lokal na Pamahalaan ng Sariaya ang serbisyong pangkalusugan sa mamamayan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng libreng oral health services sa iba’t ibang barangay sa bayan. Ngayong araw, Mayo 7, nagtungo ang Office on Health Services – Dental Health Section sa Barangay Guisguis San Roque upang magsagawa ng libreng Oral Examination, Topical Fluoride Application, Oral Prophylaxis, at Oral Health Education para sa mga residente. Naging benepisyaryo ng nasabing programa ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis sa lugar. Pinangunahan ang aktibidad nina Dr. Irma V. Cadiz, Municipal Dentist; Dr. Alexis Espinosa, DOH Dentist; kasama ang iba pang dental staff ng tanggapan. Layunin ng programa na higit pang mapalawak ang kamalayan ng publiko hinggil sa wastong pangangalaga ng kalusugan ng ngipin at bibig, kasabay ng pagbibigay ng libreng serbisyong dental para sa mga mamamayan nito. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Binigyang-diin sa programang Masaganang Ani Radio Program ng Radyo Kaisahan ang kahalagahan ng industriya ng pagbababoy sa bayan ng Sariaya, na kasalukuyang may pinakamataas na populasyon ng alagang baboy sa buong lalawigan ng Quezon. Sa panayam ni Kuys Wacky nitong April 16, ipinaliwanag ni G. Gilbert Heli, isang Agricultural Technologist at Livestock Inspector, na ang tagumpay sa produksyon ay nagsisimula sa matalinong pagpili ng lahi. Para sa mga inahin, pinakamainam ang paggamit ng F1 o ang crossbreeding ng Landrace at Large White dahil sa taglay nitong hybrid vigor. Ang isang de-kalidad na inahin ay dapat na may mahabang katawan, arko ang tindig, at mayroong hindi bababa sa labing-apat na pares ng suso na maayos ang pagkakahanay. Mahalaga rin ang magandang ugali o temperament ng inahin sa pag-aalaga ng mga anak, gayundin ang kawalan ng anumang pisikal na depekto dahil ito ay maaaring mamana ng mga biik. Para naman sa mga barako, iminungkahi ni G. Heli ang paggamit ng terminal line tulad ng Duroc o Duroc-Pietrain upang matiyak ang magandang kalidad ng karne at maskuladong pangangatawan ng mga supling. Kinakailangang malakas ang libido ng barako at maayos ang tindig nito para sa epektibong pagpapakasta. Ipinaliwanag din sa talakayan ang tatlong uri ng produksyon: ang farrow to weaning na nakatuon sa paggawa ng biik, ang farrow to finish na sumasaklaw mula pagsilang hanggang pagbebenta ng malalaking baboy, at ang finisher operation para sa mga nais lamang magpataba. Dagdag pa niya, ang pagpili sa mga sistemang ito ay nakadepende sa kakayahan at resources ng magsasaka, lalo na’t ang pag-aalaga ng inahin ay nangangailangan ng mas masusing atensyon at teknikal na kaalaman. Tinalakay rin ang wastong tiyempo ng pagpapakasta kung saan binanggit na ang puberty age ng mga puting lahi ay nagsisimula sa ikaanim na buwan pataas. Aniya ang paglalandi o Estrus o Heat Cycle ay karaniwang tumatagal ng tatlo hanggang limang araw, na mapapansin sa pamamagitan ng pamamaga ng ari at paglalabas ng likidong tila sipon. Hindi inirerekomenda ang pagpapakasta sa unang paglalandi dahil kakaunti pa ang egg cells, mas mainam na maghintay sa pangalawa o pangatlong cycle para sa mas maraming bilang ng anak. Kaugnay nito ibinahagi rin niya ang salitang standing heat, o ang sandaling ang baboy ay tahimik at handa nang pasakyan, na siyang pinaka-kritikal na oras para sa serbisyo. Kung hindi mabuntis, asahan ang muling paglalandi sa loob ng average na dalawampu't isang araw. Sa pagtatapos ng talakayan sa Masaganang Ani Radio Program, nagbigay ng paalala si G. Heli ukol sa mga environmental factors at waste management. Binigyang-diin niya na ang mga pure breed at F1 ay nangangailangan ng mas maingat na monitoring kumpara sa mga native na baboy at hindi dapat basta-basta inilalagay sa putikan. Marapat aniya na ang lokasyon ng babuyan ay dapat may sapat na layo sa mga pangunahing kalsada at kabayanan upang maiwasan ang polusyon at pagkalat ng sakit. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpapakain ng kanin-baboy upang makaiwas sa mga virus at inirerekomenda ang paggamit ng dumi ng hayop bilang pataba. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Naging matagumpay ang isinagawang Road Cleaning and Widening Program sa bahagi ng Barangay Sto. Cristo matapos magsama-sama ang mga kabataan at iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan para sa paglilinis ng kalsada. Pinangunahan ang aktibidad ng Sariaya Youth Movement sa ilalim ng pamumuno ni Charmine T. Gayeta katuwang ang mga miyembro ng kanilang organisasyon. Layunin ng programa na mapanatiling malinis at ligtas ang daanan para sa mga residente at motorista. Nakiisa rin sa gawain ang iba’t ibang tanggapan ng munisipyo kabilang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Local Youth Development Office (LYDO). Dumalo rin ang ilang Sangguniang Kabataan Chairpersons at mga estudyante mula sa Lyceum de San Pablo upang tumulong sa nasabing proyekto. Ayon sa mga kalahok, malaking tulong ang pagtutulungan ng kabataan at pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa komunidad. Patuloy namang sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ng Sariaya ang mga ganitong inisyatiba ng kabataan sa pangunguna nina Mayor Marivic T. Gayeta, Vice Mayor Arlene M. Genove, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Sariaya. #RK1077FM #CNN
Read Full Story