Radyo Kaisahan 107.7 FM
Latest
Ginanap ngayong Abril 27 ang Blood Donation Drive sa 3rd Floor Conference Room ng New Municipal Hall sa pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Sariaya, Philippine Red Cross, at Red Cross Youth- Sariaya. Bida sa aktibidad na ito ang programang Pledge 25 na humihikayat sa mga kabataang edad 16 hanggang 25 na maging regular blood donors tuwing ikatlong buwan. Sa bawat donasyon ay hanggang tatlong buhay ang iyong naililigtas kaya naman malaking tulong ito upang makabuo ng healthy habit ng volunteerism sa ating bayan. Bukod sa pagiging bahagi ng elite group ng committed donors, ang mga miyembro ay maaari ring maka-avail ng Red Cross donor benefits sa oras ng emergency. Maraming salamat sa mga bayaning Sariayahin na nakiisa sa misyong ito. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Balik-operasyon ang serbisyong medikal sa Barangay Sampaloc Sto. Cristo matapos ilunsad ang kanilang taunang libreng tuli para sa mga kabataang lalaki sa kanilang nasasakupan. Sa panayam ng Radyo Kaisahan kay Kagawad Wilfredo M. Manalo, Chairman ng Committee on Health, kinumpirma nitong nasa 92 na kabataan ang nakatala sa listahan para sumailalim sa nasabing procedure. Ayon kay Kagawad Manalo, mahalaga ang programang ito dahil bahagi na ng kultura at kasaysayan ng mga Pilipino ang pagtutuli, kaya naman sinisiguro ng pamahalaang barangay na kaisa sila ng mga mamamayan sa pagbibigay ng libreng serbisyo. Ito na ang ikalawang taon na isinagawa ang programa sa nasabing barangay mula nang simulan ito noong 2025. Binigyang-diin ni Kagawad Manalo na dati ay sa poblasyon lamang madalas ginagawa ang mga ganitong aktibidad, ngunit ngayon ay pangatlo na ang kanilang barangay sa mga nakakaranas nito, kasunod ng Barangay Sampaloc 2 at Lutucan Bata ngayong taong 2026. Nagpaabot din ng pasasalamat si Punong Barangay Oscar M. Sulit sa matagumpay na inisyatiba sa tulong ng Southern Luzon Command (SOLCOM), Rural Health Unit (RHU), mga nurse mula sa Department of Health (DOH), at mga local Barangay Health Workers. Ayon kay Kapitan Sulit, naging mabilis ang pag-request ng mga kagamitan at gamot sa pamamagitan ng kanyang mga kagawad na agad namang sinuportahan ni Governor Doktora Helen Tan at ng Pamahalaang Bayan ng Sariaya. Aniya, sa loob ng halos dalawang taon ng kanilang paglilingkod mula noong 2023, hindi sila nauubusan ng supply ng gamot para sa kanilang Health Center. Tiniyak din ng barangay na gagawin itong annual o taunang programa kaya hindi dapat mag-alala ang mga hindi nakasama sa listahan ngayon. Samantala, nagpaalala naman si Dr. Omar N. Ilagan, Municipal Health Officer β I, sa mga benepisyo ng pagtutuli sa aspeto ng kalusugan. Aniya, mas napapadali nito ang paglilinis ng ari na nagpapababa sa panganib ng urinary tract infection (UTI) at ilang sexually transmitted infections (STI). Gayunpaman, binigyang-diin niya na hindi ito kapalit ng tamang hygiene. Hinimok din ni Dr. Ilagan ang publiko na sa mga accredited health facilities lamang magpatuli upang masiguro na mga trained professionals ang hahawak sa mga bata, lalo naβt mas mababa ang tsansa ng impeksyon at handa ang emergency health response team kung magkaroon man ng komplikasyon. Hinihikayat naman ang iba pang kabataan sa bayan ng Sariaya na makipag-ugnayan sa kani-kanilang barangay upang samantalahin ang pagkakataon habang wala pang pasok sa eskwelahan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Ginanap ngayong araw ng Biyernes, Abril 24, 2026, ang pagdiriwang ng ika-32 taon na anibersaryo ng Senior Citizens Federation Inc. sa Sariaya Sports Complex. Sa mensaheng ipinaabot ni Mayor Marivic T. Gayeta, sa pamamagitan ni Dr. Ruben V. De Gracia Jr., Executive Assistant III, binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga nakatatanda sa lipunan. Aniya ang mga elderlies ay itinuturing na tunay na haligi ng mamamayan ng Sariaya na nagsisilbing bukal ng karunungan na gabay ng susunod na henerasyon, karanasan na humubog sa kasaysayan ng bayan. Pagpapahalaga (Values) na patuloy na nagpapatatag sa pamilyang Sariayahin hanggang sa kasalukuyan. Nagpaabot din ng pagbati ang lokal na pamahalaan sa lahat ng mga miyembro ng pederasyon para sa tatlong dekada ng pagkakaisa at serbisyo. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Matagumpay na isinagawa ngayong araw, Abril 24, 2026, ang isang satellite voterβs registration sa Barangay Sto. Cristo bilang tugon sa hiling na gawing mas accessible ang proseso para sa mga residente. Sa halip na dumayo pa sa mismong tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) Sariaya, ang mga kabataan at mamamayan ay direkta nang nakapagparehistro sa kanilang barangay hall. Ang inisyatibong ito ay nagmula sa request ng Sangguniang Kabataan sa pangunguna ni SK Chairperson Enrico Yuan Pasumbal, na layuning masiguro ang mataas na bilang ng mga rehistradong botante sa kanilang nasasakupan. Naging posible ang nasabing aktibidad sa suporta ni Kapitan Oscar M. Sulit at sa pakikipagtulungan ng COMELEC Sariaya. Layon ng hakbang na ito na bawasan ang abala sa mga kabarangay at hikayatin ang aktibong partisipasyon ng publiko sa darating na halalan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Matagumpay na naisakatuparan ang isang Medical Circumcision at Dental Mission nitong April 17, 2026, sa Barangay Lutucan Bata, Sariaya, Quezon. Layunin ng nasabing aktibidad, na inisyatibo nina Kapitan Jose J. Bico at ng Sangguniang Barangay, na maghatid ng libreng serbisyong medikal para sa mga residente. Katuwang sa nasabing programa ang Southern Luzon Command (SOLCOM), Rural Health Unit (RHU) β Sariaya, at Department of Education (DepEd). Sa kabuuan, 89 na residente ang nakatanggap ng serbisyong dental habang 66 na kabataang lalaki naman ang matagumpay na natulian. Lubos ang pasasalamat ni Kapitan Bico sa tulong ng SOLCOM at RHU-Sariaya sa pangunguna nina Dr. Omar N. Ilagan, Municipal Health Officer β I, Dr. Lyndon John Albay, Doctor to the Barrios, at Dr. Irma V. Cadiz, Municipal Dentist na naging katuwang sa mga operasyon. Binigyang-pugay rin ang tulong ng DepEd Sariaya sa ilalim ni West District Supervisor Maria Lourdes Cabanag, kasama sina Dr. Gabo Aliling at mga nurses at dentists ng kanilang ahensya. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Tuloy-tuloy ang paghahatid ng libreng dental services ng lokal na pamahalaan ng Sariaya sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta, Vice Mayor Arlene M. Genove at ng Sangguniang Bayan upang tiyakin ang kalusugan at magandang ngiti ng mga mamamayan nito. Nitong Martes, April 14, 2026, matagumpay na isinagawa ang programa sa Barangay Poblacion 4 para sa mga senior citizens. Sa pangunguna ni Dr. Irma V. Cadiz, Municipal Health Dentist, sumailalim ang mga benepisyaryo sa mga sumusunod, Oral Examination at Oral Health Education, Topical Fluoride Application at Oral Prophylaxis o libreng paglilinis ng ngipin. Hindi rin nagpahuli ang serbisyo para sa mga Person with Disabilities (PWDs) na ginanap naman sa Barangay Poblacion 1 nitong April 22, 2026. Ang tagumpay ng nasabing inisyatibo ay bunga ng pagtutulungan ng mga dentista sa Sariaya, katuwang sina Dr. Simeon Alcantara, Dentist II at Dr. Alexis R. Espinosa, DOH Dentist at mga Dental Staff ng kanilang tanggapan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Sa pagdiriwang ng Earth Day nitong April 22, nagsama-sama ang mga solo parent NG 43 barangay sa bahagi ng Barangay CastaΓ±as para sa isang makabuluhang coastal clean-up activity. Hindi lang ito simpleng paglilinis ng baybayin kundi isa itong patunay na kahit abala sa buhay at pagpapalaki ng pamilya ay handa pa ring maglaan ng oras ang mga solo parent para alagaan ang kalikasan. Personal ding nakiisa si Marivic T. Gayeta sa aktibidad bilang suporta sa ganitong uri ng inisyatiba. Naging katuwang din sa programa ang ibaβt ibang tanggapan tulad ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kung saan ay namahagi ang nasabing tanggapan ng IEC materials para sa mga dapat gawin tuwing may kalamidad. Kaisa din ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Sariaya Waterworks System, Office of the Municipal Mayor, Sangguniang Barangay ng CastaΓ±as at Kabataan Para sa Kalikasan. Sa kanilang pagtutulungan, naging maayos at matagumpay ang isinagawang clean-up. Ayon sa mga kalahok, ang ganitong gawain ay hindi lang nakakatulong sa kalikasan, kundi nagsisilbi ring inspirasyon sa komunidad na maging responsable sa pagtatapon ng basura at pangangalaga sa kapaligiran. Sa huli, ipinapakita ng aktibidad na ito na ang simpleng pagtutulungan ay may malaking epekto para sa kinabukasan ng ating kalikasan. Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaang lokal ng Sariaya, sa pangunguna nina Mayor Marivic T. Gayeta, Vice Mayor Arlene M. Genove at ng Sangguniang Bayan ang lahat na makiisa sa mga programang pangkalikasan hindi lang tuwing Earth Day kundi araw-araw. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Upang mapatibay ang paglaganap ng impormasyon sa lokal na pamahalaan ng Sariaya, isinagawa ng Sariaya Public Information Office (SPIO) ang isang araw na workshop para sa pamamahala ng mga social media postings at iba pang kaugnay na usapin nitong Martes, Abril 21, sa Balai Lingkuran Conference Room. Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mga opisyal na itinalagang information officers mula sa ibaβt ibang tanggapan ng pamahalaang bayan. Sa ngalan ni Municipal Mayor Marivic T. Gayeta, nagbigay ng mensahe si EA II Victorio Armamento kung saan kaniyang binigyang-diin na ang social media ay isang mahalaga at makapangyarihang kagamitan pagdating sa paghahatid ng balita. Iginiit ni EA II Armamento ang kahalagahan ng pagkakaroon ng responsableng paglalabas ng impormasyon upang matiyak na ito ay mananatiling malinaw at makabuluhan para sa lahat ng mga mamamayan. Naging mahalagang bahagi ng aktibidad ang pagbabahagi ng kaalaman ni Ms. Charmaine Odong-Pangan, Information Officer II mula sa Philippine Information Agency (PIA) CALABARZON, tungkol sa sining ng pagsulat ng balita at ang tamang konstruksyon nito. Sa kanyang talakayan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paggamit ng inverted pyramid structure kung saan ang impormasyon ay inilalahad mula sa pinakamahalaga patungo sa iba pang karagdagang detalye. Ipinaliwanag din ni Ms. Odong-Pangan ang estratehikong paggamit ng 5 Wβs na binubuo ng who, what, where, when, at why, kasama ang 1 H o how. Ayon sa kanya, ang mga elementong ito ang susi sa pagbuo ng isang epektibo at malakas na lead o panimulang talata na siyang humuhubog sa buong artikulo. Ang wastong paggamit ng mga tanong na ito ay tinitiyak na komprehensibo at direkta ang paghahatid ng balita sa mga mambabasa. Bilang pagtugon sa hamon ng makabagong teknolohiya, tinalakay rin ang wastong pagsulat ng mga caption para sa mga larawang inilalathala sa ibaβt ibang social media platforms. Layunin nito na bigyang-buhay at mas malalim na konteksto ang mga litrato sa pamamagitan ng mga salitang madaling maunawaan ng publiko. Sa pamamagitan nito, mas nagiging malinaw at makabuluhan ang impormasyong ipinaparating sa digital na espasyo. Nagbahagi rin ng mahalagang kaalaman at impormasyon ang mga kawani mula sa Sariaya Public Information Office (SPIO) upang mas paigtingin ang epektibong paghahatid ng serbisyo sa mga social media platforms ng ibaβt ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan. Sa aspeto ng visual communication, tinalakay ni Efraim Gerard Bagting ang mga epektibong paraan sa pagkuha ng litrato gamit lamang ang mobile photography, habang nagbahagi naman ng mga mahahalagang tips sa photo editing si Ms. Maryrose Hernandez. Samantala, binigyang-diin naman ni Ms. Giselle Ann De Villa ang mga dapat isaalang-alang at mga babala sa paglalathala ng mga post sa Facebook upang matiyak ang kalidad at kredibilidad ng mga impormasyon. Kaugnay nito, ipinakita naman Mr. Igmedio Macasaet ang teknikal na pamamaraan sa pag-eedit ng video, kabilang ang pagtitimpla ng tunog, kulay, at emosyon o mood nito upang mas maging kawili-wili sa mga manonood. Sa gitna ng mga talakayang ito, inilahad ni SPIO Romualdo βRonanβ L. Nantes ang mandato ng kanilang tanggapan na magsilbing sandigan ng mapagkakatiwalaang impormasyon para sa mga mamamayan ng Sariaya sa pamamagitan ng maasahan at tapat na pagpapahayag. Bahagi rin ng nasabing workshop ang aktwal na pagsasabuhay at pagsasaayos ng mga Facebook pages ng bawat tanggapan upang masiguro ang direktang pag-abot ng impormasyon tungkol sa kanilang mga serbisyo sa publiko. Ang inisyatibong ito ng lokal na pamahalaan, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta at sa suporta ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Arlene Genove, ay isang malaking hakbang tungo sa pagkamit ng mas mabilis, totoo, at mapagkakatiwalaang impormasyon para sa buong bayan ng Sariaya. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Matagumpay na isinagawa ang presentasyon ng Climate and Disaster Risk Assessment o CDRA ngayong Martes, April 21, 2026, sa ABC Session Hall ng New Municipal Hall sa Sariaya, Quezon. Pinangunahan ni Mr. Christian John V. Evangelista, Chief ng Research and Planning Division mula sa Manila City DRRM Department, ang pagpapaliwanag sa resulta ng pag-aaral kasama sina Mr. Cezar O. Salvacion at Mr. Clark Jundele C. Mendoza. Layunin nitong tukuyin kung gaano kadalas at gaano katindi ang mga bantang panganib sa isang lugar mula sa bagyo, baha, at landslide, hanggang sa mga epekto ng climate change gaya ng matinding tagtuyot (El NiΓ±o) o pagtaas ng antas ng dagat (sea level rise). Nagpaabot naman ng pasasalamat si EnP Ronnie Lindog at binigyang-diin na ang lahat ng epektibong plano ay dapat magsimula sa masusing pagsusuri ng panganib. Ayon kay EnP Lindog, ang pagpaplano ay usapin ng buhay ng tao kayaβt napakahalagang matukoy ang mga delikadong lugar upang hindi malagay sa alanganin ang MGA mamamayan ng Sariaya. Dagdag pa niya, ang pag-unlad ay dapat tinitingnan base sa kung anong mahahalagang bagay ang nais i-preserve para sa kinabukasan ng bayan. Ibinahagi rin ni EnP Sinforoso Martinez Jr. na sasailalim sa masusing rebisyon ang mga plano ng pamahalaan laban sa ibaβt ibang kalamidad. Gamit ang resulta ng CDRA bilang batayan, iaakma ang mga hakbang para sa storm surge, lindol, at iba pang hazard sa kasalukuyang pangangailangan ng bayan. Inaasahan din ang pakikipagtulungan ng Sangguniang Bayan upang pondohan at suportahan ang mga planong ito na magsisilbing kalasag ng mga lokal na imprastraktura at ng buong mamamayan. Nagbabala rin si Konsehal Teodorico Dela PeΓ±a na hindi ligtas ang Sariaya sa mga banta ng kalikasan tulad ng malalakas na lindol, landslide, at baha base sa kinalabasan ng pag-aaral. Sa kabila ng mga banta, naniwala ang konsehal na malalampasan ang mga pagsubok kung may pagtutulungan at pananalangin ang bawat isa. Naging kaisa naman sa pananaw na ito si ABC President Romulo P. Gayeta na aniya, ang mga datos na kanilang napakinggan ay magsisilbing sandigan ng gobyerno sa pagpaplano ng mga proyekto at sa pagpili ng mga lugar kung saan panatag at ligtas na makakapamuhay ang mga mamamayan sa Sariaya. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Umarangkada nitong Abril 20 ang ikalawang taon ng Usapang 2Ps o Usapang Pasahod at Productivity sa St. Jude Cooperative Hotel and Event Center, Barangay Isabang Tayabas City. Ang naturang training, na may temang Service Quality cum Wages and Incentives Training, ay inorganisa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) IV-A CALABARZON katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) β Quezon. Sa panayam ni TitSer Jong ng Radyo Kaisahan kay Mr. Gener C. Rivera, Information Technology Officer I at Head Trainer for Productivity, binigyang-diin niya na ang sentro ng talakayan ay ang pagsunod sa itinakdang wage adjustment noong Abril 1. Ayon kay G. Rivera, tinitiyak ng programa na ang mga negosyante at mamumuhunan sa lalawigan ay nakakasunod sa mga panuntunang inilabas ng RTWPB CALABARZON pagdating sa tamang pasahod sa kasalukuyan. Bukod sa usapin ng sahod, ipinaliwanag din ni G. Rivera na crucial ang bahagi ng productivity kung saan itinuturo sa mga kalahok ang pagbalanse ng quantity at quality ng serbisyo. Layunin nitong masiguro na hindi lamang mapapataas ang antas ng kasiyahan ng mga mamimili o customer satisfaction, kundi makatutulong din ito upang sa huli ay mas lumaki ang kita o profit ng mga lokal na negosyante sa Quezon. Sa pambungad na mensahe ni DTI Quezon Provincial Director Julieta L. Tadiosa, binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-alalay sa mga negosyo para sa mas maayos na operasyon. Ibinahagi naman ni Business Development Division Chief Anna Marie V. Quincina ang ibaβt ibang programa ng DTI na layong magbigay ng teknikal na suporta sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa rehiyon. Naging sentro rin ng talakayan sa umaga ang pagbuo ng "customer advocacy" sa pamamagitan ng mahusay na serbisyo. Sa hapon, sumailalim ang mga kalahok sa pagsasanay tungkol sa ISTIV values at pagpapatupad ng tamang sistema ng pasahod sa pangunguna ni Mr. Edgardo A. Avila Jr. ng RTWPB IV-A. Tinalakay ni G. Avila ang mga productivity-based incentive schemes na aniya ay malaki ang ambag sa pagpapataas ng morale ng mga manggagawa at paglago ng mga establisyimento. Nagtapos ang aktibidad sa isang hands-on workshop kung saan ang mga kinatawan ng iba't ibang kumpanya ay mismong bumuo ng kanilang sariling incentive programs. Bahagi ng hakbang na ito na patuloy na i-kampanya ng pamahalaan na isulong ang responsableng pagnenegosyo at patas na kompensasyon para sa mga manggagawang Pilipino sa rehiyon. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Muling binigyang-diin ang kahalagahan ng disiplina sa isinagawang regular na flag raising ceremony sa Sariaya New Municipal Hall nitong Lunes, ika-20 ng Abril. Ang aktibidad ay pinangunahan ng tanggapan ng Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO kung saan ibinahagi ang salitang discipline bilang values of the week. Ipinaliwanag ni For. John Carlo Manalo, MENRO I, na ang tunay na kahulugan ng disiplina ay ang patuloy na pagsunod sa mga tuntunin at pagtupad sa mga responsibilidad sa lahat ng pagkakataon, may nakatingin man o wala. Ayon pa kay For. Manalo, ang disiplina ang nagsisilbing lakas ng lokal na pamahalaan ng Sariaya upang maging proactive, responsive, at efficient sa pagbibigay ng serbisyo publiko. Binigyang-diin niya na ito ang pundasyon para sa mas mabilis at epektibong pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Tinalakay ngayong araw (April 18) sa programang Green Minded kasama si Kuys Kenneth kasama ang mga kasapi ng Kabataan Para sa Kalikasan na sina Jhep (John Jheperson Casapao) at Khaleb (Khaleb Dimaculangan) mula sa Kabataan Para sa Kalikasan ang mga dahilan kung bakit mahalagang pagtuunan ng pansin ang tamang nutrisyon lalo na ngayong papalapit ang pagdiriwang ng Nutrition Month 2026 sa buwan ng Hulyo na may temang βNutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!β na dapat isinasabuhay at nagpapakita na magkaugnay ang kalusugan ng tao at ang kalagayan ng kapaligiran. Ayon sa naging talakayan, ang pagkain na nagbibigay lakas sa atin ay nagmumula sa kalikasan kaya kapag nasisira ang kapaligiran dahil sa polusyon, climate change, at maling pagtatapon ng basura, naaapektuhan din ang suplay ng pagkain at kalusugan ng tao. Ipinaliwanag din na kapag konti ang ani dahil sa init, bagyo o tagtuyot, tumataas ang presyo ng pagkain. Dahil dito, mas nahihirapan ang mga pamilyang kapos sa pera na makabili ng masustansyang pagkain, na maaaring humantong sa malnutrisyon lalo na sa mga bata. Hinimok din sa programa ang mga mamamayan na magsimula sa simpleng paraan katulad ng hindi pagsasayang ng pagkain, tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura, pagtangkilik sa lokal na produkto, pagtatanim ng gulay kahit sa maliit na espasyo at marami pang iba. Sa huli, ipinaalala ng programa na kapag inalagaan ang kalikasan, masisiguro ang sapat at masustansyang pagkain para sa bawat pamilya. At kapag maayos ang nutrisyon, mas nagiging malusog at handa ang bawat isa sa pang-araw-araw na buhay. Binigyang-diin na hindi kailangang malaki ang gawin para makatulong. Kahit simpleng disiplina sa araw-araw ay may malaking epekto sa kalikasan at kalusugan. Samantala, bukod sa plataporma ng Radyo Kaisahan, napapakinggan na din ang programang Green Minded sa Facebook Page ng Kabataan Para sa Kalikasan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Nagkaisa ang mga opisyal at residente ng Barangay Poblacion 4 sa isang clean-up drive na ginanap ngayong araw (April 18) na pinangunahan ni Barangay Chairman Norbel Sotto kasama ang Sangguniang Barangay at sinuportahan naman ng Sangguniang Kabataan sa pamumuno ni SK Chairperson Charlene Catapang-Obnasca. Nakilahok din sa aktibidad ang grupong Kabataan Para sa Kalikasan, ilang kawani ng Radyo Kaisahan kung saan matatagpuan sa nasabing barangay ang himpilan gayundin ang Pandayan Workshop na kung saan sama-sama nilang nilinis ang ibaβt ibang bahagi ng barangay kasama ang ilang bahagi ng Maharlika Highway. Bukod sa layuning mapanatiling malinis ang kanilang lugar, naging pagkakataon din ito para sa mga kalahok na makapag-ehersisyo at maging aktibo na isang simpleng paraan para alagaan ang kalusugan habang tumutulong sa komunidad. Nagpahayag naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan ng Sariaya sa pangunguna nina Mayor Marivic T. Gayeta at Vice Mayor Arlene M. Genove, pati na rin ang Sangguniang Bayan, sa patuloy na pagsuporta sa mga ganitong gawain na nakakatulong sa pangangalaga ng kalikasan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Matagumpay na naisakatuparan ang DIGITEQ: AI-Enabled Content Creation Training for Entrepreneurs nitong April 15, 2026 sa ABC Session Hall, Sariaya Municipal Hall sa Quezon. Umabot sa 40 attendees ang nakiisa sa nasabing programa na naglalayong iangat ang antas ng pagnenegosyo sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Pinangunahan ng Department of Trade and Industry β Quezon sa pamamagitan ng Negosyo CenterβSariaya at katuwang ang Pamahalaang Lokal ng Sariaya, binuksan ang aktibidad sa pamamagitan ng mensahe ni Mayor Marivic T. Gayeta. Binigyang-diin ni DTI Business Counselor Arnold Abang Jr. na bagamaβt pokus ang mga negosyante mula sa Sariaya, may mga kalahok din mula sa mga karatig-bayan ang dumalo upang masungkit ang kaalaman sa digitalization. Ibinahagi naman ng resource speaker na si Ms. Maryrose Ganzon ang kaniyang kadalubhasaan sa AI at digital marketing sa harap ng mga kalahok. Sa loob ng apat na oras na training, itinuro ang mga praktikal na paraan sa paglikha ng promotional content at paggamit ng AI tools upang mas mapadali ang workflow at mapalakas ang online presence ng bawat negosyo. Inaasahang sa pamamagitan ng inisyatibong ito ay magiging mas competitive ang mga lokal na MSMEs sa gitna ng mabilis na pagbabago sa mundo ng digital marketing. Natapos ang aktibidad sa pamamagitan ng paggawad ng certificates at isang photo opportunity bilang tanda ng matagumpay na pagyakap ng mga Sariayahin sa teknolohiya ng Artificial Intelligence. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Pormal nang binuo at sinimulan ang operasyon ng dalawang bagong Sustainable Livelihood Program (SLP) Associations sa bayan ng Sariaya, Quezon. Ang hakbang na ito ay bahagi ng inisyatibo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang lokal na pamahalaan upang iangat ang antas ng pamumuhay ng mga residente sa lugar. Kinilala ang mga bagong tatag na grupo bilang Sariaya Fisherfolks SLP Association at Sariaya MOVE SLP Association. Ang mga grupong ito ang magiging sentro ng mga interbensyon at suporta mula sa programa upang masigurong magkakaroon sila ng sapat at matatag na kabuhayan. Naging masusi ang proseso ng pagbuo sa mga asosasyon kung saan sumailalim ang mga miyembro sa serye ng mga aktibidad. Noong April 6, 2026, isinagawa ang SLP Orientation at Eligibility Assessment, na sinundan naman ng Organizational Development and Leadership Training, halalan ng mga opisyal, at pagpapatibay ng kanilang Constitution and By-Laws noong April 7. Hindi rin nagpahuli ang aspeto ng pangkabuhayan matapos isagawa ang Micro-enterprise Development Training at paggawa ng project proposals noong April 8. Nitong nakalipas na April 13, 2026, tuluyan nang tinapos ang pagbalangkas sa mga naturang proyekto kasabay ng paglagda sa mga mahahalagang dokumento. Ang programang SLP ay nakatuon sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga mahihirap at bulnerableng sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng puhunan, pagsasanay sa teknikal-bokasyonal, at pagpapalawak ng kanilang access sa mga credit at savings facilities. Layunin nito na hindi lamang magbigay ng panandaliang tulong, kundi ang makabuo ng isang komunidad na may kakayahang tumayo sa sariling mga paa gamit ang kanilang mga likas at pisikal na yaman. #RK1077FM #CNN
Read Full Story
Isinagawa kahapon (April 14) ang isang makabuluhang courtesy call ng Kabataan Para sa Kalikasan o KPK sa ibaβt ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Sariaya. Pinangunahan ito ni Mhalic Jude Maranan, founder ng samahan kasama ang mga miyembro nito. Unang binisita ng grupo ang Local Youth Development Office o LYDO kung saan nakipagpulong sila kay LYDO- Designate Reniel M. Martizana. Nakadaupang-palad din nila ang Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan (PPSK) sa pangunguna ni PPSK President Aicon Candace T. Talavera kasama ang kinatawan ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Concepcion Banahaw na si Juan Cyrus M. Magnaye. Layunin ng mga pagbisitang ito na palakasin ang ugnayan at kooperasyon ng mga organisasyon para sa mga programang pangkabataan at pangkalikasan. Ayon sa mga opisyal, patuloy nilang susuportahan ang mga inisyatiba ng KPK at bukas sila sa pakikipagtulungan sa mga susunod na aktibidad. Inaasahan din na makakasama ang KPK sa mga planong proyekto ng LYDO sa darating na buwan kabilang ang mangrove tree planting, pagtatanim ng puno sa bahagi ng Barangay Sampaloc Bogon, mga programang pangkabuhayan para sa mga magsasaka katuwang ang Office of the Municipal Agriculturist at ang pagbisita sa mga paaralan ng LYDO para sa The GAS o Green Awakening Seminar ng KPK na layong palawakin ang kaalaman ng kabataan sa pangangalaga ng kalikasan kung saan ang target nila ay ang mga estudyante na nahalal sa Youth for Environment School Organization o YES-O. Isasagawa rin ang pagsasanay sa Basic Life Support o BLS para sa mga miyembro ng organisasyon. Bumisita rin ang KPK sa tanggapan ng Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO sa pangunguna ni EnP John Carlo Manalo, MENRO-I at kasalukuyang Junior Adviser ng organisasyon. Layunin ng MENRO na higit pang mapalalim ang kaalaman ng KPK sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 sa tulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) gayundin ang pagpapalawak ng kaalaman sa usapin ng climate change. Iminungkahi rin ang paglikha ng income-generating projects upang magkaroon ng pondo ang samahan. Samantala, bumisita rin ang grupo sa himpilan ng Radyo Kaisahan 107.7 FM bilang bahagi ng kanilang media engagement. Dito, inanunsyo ang nalalapit na pagsisimula ng programang βGreen Mindedβ na mapapakinggan tuwing Sabado at Linggo sa kanilang Facebook page. Nagpasalamat ang KPK sa pagkakataong maibahagi ang kanilang adbokasiya sa mas malawak na publiko sa pamamagitan ng radyo at social media. Nakikiisa rin ang organisasyon sa tema ng ika-52 Nutrition Month ng National Nutrition Council na βNutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!β Sa kabuuan, nananatiling bukas ang KPK, MENRO, at LYDO sa ibaβt ibang aktibidad na naglalayong pangalagaan ang kalikasan tulad ng clean-up drives at tree planting activities. Buo rin ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Sariaya sa pangunguna ni Mayor Marivic T. Gayeta, Vice Mayor Arlene M. Genove at ng Sangguniang Bayan sa mga kabataang aktibong nagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan. #RK1077FM #CNN
Read Full Story