Radyo Kaisahan 107.7 FM
← Back to News

KABATAAN PARA SA KALIKASAN, BUMISITA SA MGA TANGGAPAN NG LGU PARA SA MAS MATIBAY NA KOLABORASYON


KABATAAN PARA SA KALIKASAN, BUMISITA SA MGA TANGGAPAN NG LGU PARA SA MAS MATIBAY NA KOLABORASYON

Isinagawa kahapon (April 14) ang isang makabuluhang courtesy call ng Kabataan Para sa Kalikasan o KPK sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Sariaya. Pinangunahan ito ni Mhalic Jude Maranan, founder ng samahan kasama ang mga miyembro nito.

Unang binisita ng grupo ang Local Youth Development Office o LYDO kung saan nakipagpulong sila kay LYDO- Designate Reniel M. Martizana. Nakadaupang-palad din nila ang Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan (PPSK) sa pangunguna ni PPSK President Aicon Candace T. Talavera kasama ang kinatawan ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Concepcion Banahaw na si Juan Cyrus M. Magnaye. Layunin ng mga pagbisitang ito na palakasin ang ugnayan at kooperasyon ng mga organisasyon para sa mga programang pangkabataan at pangkalikasan.

Ayon sa mga opisyal, patuloy nilang susuportahan ang mga inisyatiba ng KPK at bukas sila sa pakikipagtulungan sa mga susunod na aktibidad. Inaasahan din na makakasama ang KPK sa mga planong proyekto ng LYDO sa darating na buwan kabilang ang mangrove tree planting, pagtatanim ng puno sa bahagi ng Barangay Sampaloc Bogon, mga programang pangkabuhayan para sa mga magsasaka katuwang ang Office of the Municipal Agriculturist at ang pagbisita sa mga paaralan ng LYDO para sa The GAS o Green Awakening Seminar ng KPK na layong palawakin ang kaalaman ng kabataan sa pangangalaga ng kalikasan kung saan ang target nila ay ang mga estudyante na nahalal sa Youth for Environment School Organization o YES-O. Isasagawa rin ang pagsasanay sa Basic Life Support o BLS para sa mga miyembro ng organisasyon.

Bumisita rin ang KPK sa tanggapan ng Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO sa pangunguna ni EnP John Carlo Manalo, MENRO-I at kasalukuyang Junior Adviser ng organisasyon. Layunin ng MENRO na higit pang mapalalim ang kaalaman ng KPK sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 sa tulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) gayundin ang pagpapalawak ng kaalaman sa usapin ng climate change. Iminungkahi rin ang paglikha ng income-generating projects upang magkaroon ng pondo ang samahan.

Samantala, bumisita rin ang grupo sa himpilan ng Radyo Kaisahan 107.7 FM bilang bahagi ng kanilang media engagement. Dito, inanunsyo ang nalalapit na pagsisimula ng programang “Green Minded” na mapapakinggan tuwing Sabado at Linggo sa kanilang Facebook page. Nagpasalamat ang KPK sa pagkakataong maibahagi ang kanilang adbokasiya sa mas malawak na publiko sa pamamagitan ng radyo at social media.

Nakikiisa rin ang organisasyon sa tema ng ika-52 Nutrition Month ng National Nutrition Council na “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!”

Sa kabuuan, nananatiling bukas ang KPK, MENRO, at LYDO sa iba’t ibang aktibidad na naglalayong pangalagaan ang kalikasan tulad ng clean-up drives at tree planting activities. Buo rin ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Sariaya sa pangunguna ni Mayor Marivic T. Gayeta, Vice Mayor Arlene M. Genove at ng Sangguniang Bayan sa mga kabataang aktibong nagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan.

#RK1077FM #CNN

💬

0 Comments

0 / 2000
🗨️

Be the first to share your thoughts on this story.