Radyo Kaisahan 107.7 FM
← Back to News

SARIAYA MSMES, SUMAILALIM SA AI-ENABLED CONTENT CREATION TRAINING NG DTI


SARIAYA MSMES, SUMAILALIM SA AI-ENABLED CONTENT CREATION TRAINING NG DTI

Matagumpay na naisakatuparan ang DIGITEQ: AI-Enabled Content Creation Training for Entrepreneurs nitong April 15, 2026 sa ABC Session Hall, Sariaya Municipal Hall sa Quezon. Umabot sa 40 attendees ang nakiisa sa nasabing programa na naglalayong iangat ang antas ng pagnenegosyo sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

Pinangunahan ng Department of Trade and Industry – Quezon sa pamamagitan ng Negosyo Center–Sariaya at katuwang ang Pamahalaang Lokal ng Sariaya, binuksan ang aktibidad sa pamamagitan ng mensahe ni Mayor Marivic T. Gayeta. Binigyang-diin ni DTI Business Counselor Arnold Abang Jr. na bagama’t pokus ang mga negosyante mula sa Sariaya, may mga kalahok din mula sa mga karatig-bayan ang dumalo upang masungkit ang kaalaman sa digitalization.

Ibinahagi naman ng resource speaker na si Ms. Maryrose Ganzon ang kaniyang kadalubhasaan sa AI at digital marketing sa harap ng mga kalahok. Sa loob ng apat na oras na training, itinuro ang mga praktikal na paraan sa paglikha ng promotional content at paggamit ng AI tools upang mas mapadali ang workflow at mapalakas ang online presence ng bawat negosyo.

Inaasahang sa pamamagitan ng inisyatibong ito ay magiging mas competitive ang mga lokal na MSMEs sa gitna ng mabilis na pagbabago sa mundo ng digital marketing. Natapos ang aktibidad sa pamamagitan ng paggawad ng certificates at isang photo opportunity bilang tanda ng matagumpay na pagyakap ng mga Sariayahin sa teknolohiya ng Artificial Intelligence.

#RK1077FM #CNN

💬

0 Comments

0 / 2000
🗨️

Be the first to share your thoughts on this story.