Radyo Kaisahan 107.7 FM
โ† Back to News

SARIAYA, QUEZON, PASOK SA LISTAHAN NG MGA TOP PERFORMERS SA PROVINCIAL NUTRITION AWARDS


SARIAYA, QUEZON, PASOK SA LISTAHAN NG MGA TOP PERFORMERS SA PROVINCIAL NUTRITION AWARDS

Matagumpay na naisagawa ang tatlong araw na masusing Monitoring and Evaluation ng Quezon Provincial Nutrition Multisectoral Council (QPNMC) sa bayan ng Sariaya, kung saan muling napatunayan ang dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa patuloy na paglaban sa malnutrisyon.

Sentro ng aktibidad nitong April 8 ang isinagawang interview kina Municipal Nutrition Action Officer (MNAO) Reymundo D. Razon at Municipal Nutrition Program Coordinator (MNPC) Maria Arlene C. Palabrica, kasama ang buong Municipal Nutrition Council (MNC). Ang naturang pagsusuri ay bahagi ng prestihiyosong Provincial MELLPI Awards na naglalayong kilalanin ang mga pinakamahusay na lingkod-bayan at munisipalidad sa aspeto ng nutrisyon.

Kasunod nito, pormal na inanunsyo ni Provincial Nutrition Action Officer Ms. Joan Maricel Zeta-Decena, RND, ang kahanga-hangang resulta ng ebalwasyon. Ayon sa opisyal, pasok ang Sariaya sa mga kwalipikadong tumanggap ng parangal dahil sa epektibong serbisyong pang-nutrisyon na ipinapatupad sa buong bayan.

Sa ginanap na feedbacking session, umani ng mataas na marka ang mga lokal na yunit kung saan nakakuha ang Tumbaga 1 Barangay Nutrition Committee (BNC) sa pangunguna ni Barangay Captain Rhyan E. Magadia ng 78.84%, habang ang kanilang Barangay Nutrition Scholar (BNS) naman na si Julieta Sengco ay nagtala ng 72.91%. Ang mga puntos na ito ay kapwa kabilang sa ranking para sa Provincial Level.

Higit na nagniningning ang resulta para sa Municipal Nutrition Council matapos nitong makuha ang 85.43% na marka, dahilan upang mapanatili ang kanilang katayuan sa Green Banner Award. Hindi rin nagpahuli sa indibidwal na kategorya si MNPC Palabrica matapos nitong masungkit ang 90% score, habang 91% naman MNAO Razon, na kapwa pasok para sa Provincial Awards.

Ayon kay PNAO Zeta-Decena, ang mga resultang nakuha sa MELLPI Pro ay hindi lamang gagamitin para sa Provincial Level Nutrition Awards kundi magsisilbi ring basehan para sa Regional Level Nutrition Evaluation.

Lubos naman ang pasasalamat ng opisyal sa lokal na pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta, gayundin sa mga kawani ng Municipal Nutrition Action Office para sa kanilang walang sawang paglilingkod.

Ang Sariaya ang ikatlong bayan na sumailalim sa MELLPI Pro ngayong taon matapos ang mga bayan ng Plaridel at Tagkawayan noong nakaraang buwan ng Marso. Inaasahang magpapatuloy ang monitoring at evaluation ng PNAO sa iba pang mga bayan sa lalawigan ng Quezon hanggang sa buwan ng Hunyo.

#RK1077FM #CNN

๐Ÿ’ฌ

0 Comments

0 / 2000
๐Ÿ—จ๏ธ

Be the first to share your thoughts on this story.