Isinagawa ang isang pormal na buwanang pagpupulong na dinaluhan ng 46 Barangay Nutrition Scholars (BNS) nitong Miyerkules (April 29) upang talakayin ang mahahalagang usapin patungkol sa implementasyon ng mga programang pangnutrisyon sa mga barangay na ginanap sa 3/F Conference B sa New Sariaya Municipal Building.
Sa nasabing pulong, ipinaliwanag ni Municipal Nutrition Program Coordinator Ma. Arlene Palabrica ang Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation (MELLPI) kung saan ang marka ng bawat barangay ay nakabatay sa 60% na performance ng Barangay Nutrition Committee (BNC) at 40% na pagbabago sa nutritional status ng komunidad. Tinalakay rin ang pagbuo ng Barangay Nutrition Action Plan (BNAP) at Barangay Nutrition Service Action Plan (BNSAP) kasama ang nakatakdang workshop sa buwan ng Mayo para sa pagbalangkas ng tatlong taong plano para sa 2026 hanggang 2028.
Samantala, muling pinaalalahanan ni BNS President Romarica Beltran ang lahat ng BNS hinggil sa pagsasagawa ng Operation Timbang (OPT) para sa ikalawang quarter gayundin ang aktibong pakikilahok ng bawat barangay sa mga radio guesting sa Radyo Kaisahan 107.7 FM bilang bahagi ng pagpapalaganap ng impormasyon sa komunidad. Itinakda ang pagsusumite ng mga ulat ng OPT sa May 31 para sa mga hindi gumagamit ng encoding system at sa June 10 naman para sa mga gumagamit nito. Binigyang-diin na ang lahat ng dokumentong isusumite ay kinakailangang pirmado ng midwife, punong barangay at kagawad na namamahala sa kalusugan.
Nagtapos ang pagpupulong sa pamamagitan ng panalangin na pinangunahan ni BNS Corazon Garcia. Suportado naman ng lokal na pamahalaan ang lahat ng proyekto at aktibidad ng nutrisyon sa pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta, Vice-Mayor Arlene M. Genove at ng Sangguniang Bayan.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.