Patuloy ang masigasig na pagbaba sa mga kabahayan at kanayunan ng mga dentista mula sa Rural Health Unit - Dental Health Section ng lokal na pamahalaan ng Sariaya upang maghatid ng serbisyong medikal sa iba't ibang barangay.
Nitong araw ng Martes, Abril 28, personal na tinungo nina Municipal Dentist Dr. Irma V. Cadiz at Dentist II Dr. Simeon Alcantara kasama ang kanilang mga staff ang mga nakatatanda sa Barangay Morong. Layunin ng nasabing unit na maipaabot nang walang bayad ang mga serbisyong Oral Examination, Topical Fluoride Application, at Oral Prophylaxis o ang masusing paglilinis ng ngipin.
Hindi lamang panggagamot ang naging pokus ng aktibidad dahil naging bida rin ang Oral Health Education sa pangunguna ni Dr. Alcantara. Dito ay detalyadong ipinaliwanag ng doktor ang mga tamang hakbang sa pangangalaga ng ngipin na partikular para sa mga senior citizen sa lugar.
Sa naging panayam ng Radyo Kaisahan kay Victoria Idea, 62 anyos at Presidente ng Senior Citizens sa Morong, ipinaabot nito ang kaniyang lubos na pasasalamat dahil ang kanilang barangay ang sinuwerte na mabisita ng mga doktor. Aniya, malaking tulong ito dahil bukod sa fluoride treatment ay marami silang natutunang bagong kaalaman sa dental hygiene.
Hinimok din ni Gng. Idea ang kaniyang mga kapwa senior citizen na huwag mag-atubiling dumalo sa mga katulad na pag-iimbita upang hindi masayang ang mga proyektong inilalaan ng gobyerno para sa kanila. Nagpahayag din siya ng pasasalamat kay Mayor Marivic T. Gayeta at sa buong lokal na pamahalaan para sa mga programang nakatuon sa kapakanan ng kanilang sektor.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.