Hinirang bilang nangunguna sa barangay level ng Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation Pro o MELLPI Pro ang Barangay Tumbaga 1, dahilan upang opisyal itong iendorso para sa provincial validation ng kanilang mga programa sa nutrisyon.
Sa isang eksklusibong panayam kay Municipal Nutrition Action Officer Reymundo D. Razon ngayong araw (April 7) sa Balai Lingkuran, ipinaliwanag nito na ang pagpili sa Tumbaga 1 ay base sa mahusay na pagpapatupad ng mga polisiya, executive orders, at mga extra miles na inisyatiba ng barangay pagdating sa kalusugan. Target ngayon ng nasabing barangay na masungkit ang Provincial MELLPI Awards para sa Outstanding Barangay Nutrition Council at Outstanding Barangay Nutrition Scholar, na magsisilbing requirements nila patungong regional level kung palarin.
Samantala, ibinahagi rin ni MNAO Razon ang kasalukuyang estado ng nutrisyon sa buong Sariaya. Bagamaโt patuloy na bumababa ang bilang ng mga kaso ng stunted at wasted na mga bata taon-taon, nababahala ang opisyal sa lumalalang trend ng mga overweight sa iba't ibang edad.
Ayon kay MNAO Razon, mas hamon ang pagtugon sa mga overweight dahil nangangailangan ito ng mas maraming pisikal na aktibidad at disiplina, kumpara sa wasted at stunted na madaling natutugunan ng mga feeding program. Binigyang-diin niya na ang labis na timbang ay mas mabilis mag-imbita ng iba't ibang uri ng karamdaman.
Dahil dito, muling nanawagan ang Municipal Nutrition Action Office sa lahat ng mga Barangay Nutrition Council na maglaan ng sapat na pondo para sa mga programang pang-kalusugan. Handa aniya ang kanilang tanggapan na gumabay sa mga barangay kung paano ang tamang pagpopondo at pagpapatupad ng mga proyekto. Umaasa rin ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta katuwang si Vice Mayor Arlene M. Genove at ng Sangguniang Bayan na sa pamamagitan ng pagkakaisa ay makuha ng Sariaya ang kanilang ikalimang Green Banner Award ngayong taon.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.