Binigyang-diin ng pamahalaang lokal ng Sariaya ang kahalagahan ng nutrisyon bilang pundasyon ng isang maunlad na komunidad sa isinagawang First Quarterly Meeting ng Municipal Nutrition Council.
Sa ngalan ni Mayor Marivic T. Gayeta, pormal na binuksan ni Municipal Administrator Randy L. Tronila ang pagpupulong kung saan sinuri ang mga naging tagumpay ng 2025 Nutrition Program at tinalakay ang mga hakbang para sa MNAP at MELLPI Pro.
Ayon kay Municipal Nutrition Program Coordinator Arlene M. Palabrica, pangunahing prayoridad ngayon ng MNAO sa pangunguna ni MNAO Reymundo D. Razon ang Nutrition Education, partikular na ang "First 1000 Days" ng mga bata, upang masugpo ang kaso ng stunting sa munisipalidad na naaayon din sa direktiba ng National Nutrition Council.
Bukod sa kakulangan sa nutrisyon, binabantayan din ng tanggapan ang tumataas na kaso ng overnutrition o pagiging overweight at obese na dulot ng hindi malusog na lifestyle at labis na pagtangkilik sa mga fast-food chain.
Base sa pagsusuri ng OPT 2025 Results, bagamaโt bumubuti ang pangkalahatang lagay ng nutrisyon sa bayan, kailangan pa ring paigtingin ang mga maagang interbensyon at pagbabago sa gawi ng mga mamamayan.
Kaugnay nito, kinilala ang malaking improvement ng mga Barangay Nutrition Council kung saan nanguna sa mataas na score sa MELLPI Pro ang mga barangay ng Tumbaga 1, Concepcion Banahaw, Balubal, Sto. Cristo, Concepcion Pinagbakuran, Gibanga, Poblacion 2, Bucal, Limbon, at Montecillo. Ang mga datos na ito ang magsisilbing sandigan ng Sariaya para sa nalalapit na Provincial MELLPI Pro na gaganapin sa Abril 6 hanggang 8, 2026.
Nagpaabot naman ng mensahe si EA III Dr. Ruben V. de Gracia Jr. na nagpapaalala na ang wastong nutrisyon ay paghahanda sa kinabukasan at pagiging produktibo ng mga kabataan. Layunin ng quarterly meeting na ito na maglatag ng mga epektibong hakbang at palakasin ang ugnayan ng bawat sektor upang masiguro na walang maiiwan sa mga inisyatiba para sa kalusugan.
Nagtapos ang pagtitipon sa pagbabahagi ng mga matagumpay na nutrition initiatives ng bawat miyembro ng council, na nagbukas ng mas malalim na kooperasyon para sa isang mas malusog at masiglang bayan ng Sariaya.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.