Ipinagdiwang ngayong March 24 ang World TB Day sa bayan ng Sariaya, kasabay ng pinaigting na kampanya laban sa tuberculosis o TB na isang nakahahawang sakit na dulot ng mycobacterium tuberculosis na kumakalat sa hangin.
Paalala ng mga opisyal sa kalusugan, mahalagang magsuot ng facemask lalo na sa matataong lugar dahil hindi nakikita kung sino ang maaaring may dala ng sakit.
Binigyang-diin din ang apat na pangunahing sintomas ng TB na dapat bantayan: ubo na tumatagal ng higit dalawang linggo, lagnat sa gabi na walang malinaw na dahilan, hindi sinasadyang pagbaba ng timbang, at labis na pagpapawis na hindi maipaliwanag. Pinapayuhan ang publiko na agad magpatingin sa doktor kapag nararanasan ang mga ito.
Sa panayam kay Zomir Dave Purificacion, Senior ACF Field Leader, sinabi niyang kinakailangan ang anim na buwang tuloy-tuloy na gamutan kapag nagpositibo sa TB upang tuluyang gumaling.
Kasabay nito, inilunsad ang tatlong araw na libreng chest X-ray simula ngayong March 24 hanggang March 26 para sa mga residente mula sa 43 barangay, edad 15 pataas. Target ng programa na makapagsuri ng 450 pasyente sa loob ng nasabing panahon.
Ayon naman kay Jennifer Palomado, Nurse II, hindi dapat ikahiya ang pagkakaroon ng TB dahil ito ay nagagamot. Nilinaw rin niya na ang TB ay hindi namamana kundi nakahahawa, kaya mahalagang ipasuri ang mga kasama sa bahay upang maiwasan ang pagkalat nito.
Mayroon ding tinatawag na TB preventive treatment para sa mga positibo sa plema, kung saan iniinom ang gamot isang beses kada linggo.
Dagdag pa ng mga eksperto, kapag nagkaroon ng TB ay maaaring magkaroon ng peklat ang baga at posibleng maulit ang sakit lalo na kung hindi babaguhin ang lifestyle. May mga kaso rin ng TB na walang sintomas kaya mahalaga ang regular na pagpapasuri.
Batay sa tala, umabot na sa 136 ang naitalang kaso ng TB sa Sariaya mula Enero hanggang March 24, at may ilan pang kaso na kasalukuyang bineberipika.
Bahagi ang naturang aktibidad sa patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa inisyatiba ng Punong Bayan Mayor Marivic T. Gayeta katuwang ang Sannguniang Bayan kasama si Vice Mayor Arlene M. Genove at bumubuo ng konseho nito.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.