Tinalakay ni Medical Officer V Dr. Aleli Oabel mula sa Office on Health Services, ang usapin hinggil sa diabetes sa isinagawang Health Watch Radio Program kasama si Sissy Larah ngayong Marso 19, 2026.
Ayon kay Dr. Oabel, ang diabetes sa pinakasimpleng paliwanag ay ang pagtaas ng blood sugar o asukal sa dugo. Ipinaliwanag din niya na may ilang pangunahing risk factor sa pagkakaroon ng sakit na ito, kabilang ang edad na 40 pataas, labis na timbang, sedentary o laging nakaupong uri ng trabaho, mataas na presyon ng dugo, pagkakaroon ng kamag-anak na may diabetes, at maging ang pagbubuntis.
Binigyang-diin din niya ang malaking papel ng heredity o lahi sa posibilidad ng pagkakaroon ng diabetes.
Dagdag pa ng doktora, sa Rural Health Unit (RHU) ay halos araw-araw may mga bagong kaso ng diabetes na natutukoy. Gayunman, marami rin sa mga pasyente ang sumasailalim na lamang sa follow-up check-up o regular na konsultasyon.
Ilan sa mga sintomas na maaaring mapansin ay ang pangingitim ng batok o bahagi ng leeg, pagkakaroon ng sugat na matagal gumaling, pangangati ng balat, at hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang.
Nagbabala rin si Dr. Oabel na kung hindi maagapan ang diabetes, maaari itong magdulot ng seryosong komplikasyon gaya ng pagkasira ng kidney, pagkabulag, at maging pagputol ng paa.
Upang maiwasan ang sakit, inirerekomenda ang pagkakaroon ng aktibong pamumuhay, tamang pagkain, pag-iwas sa labis na matatamis, at pamamahala sa stress.
Sa huli, nagpaalala si Dr. Oabel sa publiko na pangalagaan ang kalusugan, dahil ito ang isa sa pinakamahalagang yaman na maaring dalhin ng tao habang siya ay nabubuhay.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.