Isang makasaysayang hakbang ang pormal na pinagtibay ngayong hapon, March 24, 2026, matapos ganapin ang Ceremonial Memorandum of Agreement o MOA Signing sa loob mismo ng makasaysayang Sariaya Old Municipal Building. Ang naturang kasunduan ay pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Sariaya sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marivic T. Gayeta, katuwang ang Eulogio โAmangโ Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at ang organisasyong Herencia Sariaya.
Ayon kay Mayor Gayeta, ang matagumpay na kolaborasyong ito sa pagitan ng akademya, lokal na pamahalaan, at mga organisasyong pangkultura ay magsisilbing daan upang mas mapalawak ang mga programang makikinabang ang mga mamamayan, lalo na ang mga kabataang Sariayahin.
Binigyang-diin ng Punong Bayan na asahan ang kanyang patuloy na pagsisikap na maghatid ng mga programang may tunay na saysay at pakinabang para sa buong bayan.
Binigyang-diin naman ni Dr. Ruben V. de Gracia Jr., Sariaya Tourism Culture and the Arts Officer, na ang MOA signing ay hindi lamang isang simpleng seremonya kundi isang makabuluhang hakbang tungo sa pangangalaga ng kasaysayan at pagkakakilanlan ng mga Sariayahin.
Ipinaliwanag niya na ang Old Municipal Building ay hindi lamang isang istruktura kundi isang buhay na saksi sa mayamang nakaraan at pag-unlad ng bayan na dapat ingatan para sa mga susunod pang henerasyon.
Bilang bahagi ng pagsisimula ng nasabing proyekto, agad na isinagawa ng mga estudyante mula sa EARIST ang isang Condition Assessment Survey ng Architecture and Built Environment ng Lumang Munisipyo ng Sariaya matapos ang lagdaan. Ang pagsusuring ito ay mahalaga upang matukoy ang kasalukuyang estado ng gusali at makabuo ng mga rekomendasyon para sa tamang preserbasyon ng arkitektura nito.
Dinaluhan ang aktibidad nina Municipal Administrator Randy L. Tronila, Engr. Victor Alviso, EnP Ronnie Lindog, OMPDC at mga miyembro ng Sariaya Historical Heritage Culture and the Arts Council (SHHCAC).
Sa pamamagitan ng kasunduang ito, muling pinagtibay ng mga katuwang na sektor ang kanilang pangako na pangalagaan, panatilihin, at muling buhayin ang mga pamanang kultura na magsisilbing inspirasyon sa gitna ng nagbabagong panahon.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.