Nagsagawa ang Lokal na Pamahalaan ng Sariaya ng libreng spay at neuter o castration para sa mga aso at pusa ngayong Lunes, Marso 23, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng programang pang-agrikultura at animal welfare sa bayan. Isinagawa ang naturang aktibidad katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Office of the Provincial Veterinarian, gayundin ang Biyaya Animal Care Foundation kung saan ginanap sa Sariaya Agricultural Trading Center sa Barangay Sampaloc 2.
Ayon kay Dr. Joden Oliver Sumeldan, Chief Medical Director ng Biyaya Animal Care Foundation, mahalaga ang spay at neuter hindi lamang upang makontrol ang pagdami ng mga stray animals kundi upang mapanatili rin ang kalusugan ng mga alagang hayop.
Aniya, nakatutulong ang nasabing procedure upang mapahaba ang buhay ng mga alaga at maiwasan ang ibaโt ibang sakit tulad ng mammary gland tumor sa mga babaeng aso, pyometra o impeksyon sa matris, testicular tumor sa mga lalaking aso, at transmissible venereal tumor (TVT) na maaaring maipasa sa kapwa hayop. Dagdag pa niya, nakatutulong din ito sa pagbabago ng ugali ng mga alaga gaya ng pagbawas ng agresibong pag-uugali at pagmamarka ng teritoryo.
Ipinaliwanag din ni Dr. Sumeldan ang kahalagahan ng wastong paghahanda ng mga pet owner bago ang operasyon. Kabilang dito ang pagtiyak na malusog ang alaga, pagpapakain nang tama sa pamamagitan ng fasting ng hindi bababa sa anim na oras bago ang procedure, at pagpapaligo sa mga ito bago dalhin sa event. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng maayos na recovery area at pagsunod sa mga post-operative care tulad ng pag-inom ng gamot at paggamit ng protective collar.
Sa isinagawang programa, dumaan ang mga alagang hayop sa proseso ng pre-registration, registration sa event, paghahanda para sa anesthesia, aktuwal na operasyon, at post-operative recovery bago ibalik sa kanilang mga may-ari. Ayon pa kay Dr. Sumeldan, walang limitasyon ang bilang ng alagang maaaring ipa-spay o ipa-neuter ng isang pet owner sa naturang gawain at hinihikayat niya ang mga may-ari na samantalahin ang ganitong programa upang maiwasan ang overpopulation at mga suliraning kaakibat nito tulad ng kakulangan sa pagkain at animal abuse.
Samantala, ibinahagi naman ni Romy Loredo, 65-anyos na residente ng Morong, ang kanyang karanasan bilang pet owner na nagpa-spay at kapon ng tatlong aso at tatlong pusa.
Ayon kay Loredo, isa sa pangunahing dahilan ng kanyang pagpapakapon ng mga alaga ay ang pagkontrol sa kanilang pagdami. Aniya, nagiging mahirap na ang pag-aalaga kapag lumalaki ang bilang ng mga hayop at hindi na ito natutustusan nang maayos. Dagdag pa niya, nais din niyang maiwasan ang inbreeding lalo na sa mga pusa na nagiging sanhi ng hindi magandang kalagayan ng kanilang lahi. Pinuri rin ni Loredo ang programa ng lokal na pamahalaan at ng Provincial Veterinary Office, na aniyaโy malaking tulong sa mga tulad niyang nag-aalaga ng aso at pusa. Nagpahayag din siya ng pasasalamat at pag-asa na patuloy pang maisasagawa ang ganitong programa sa hinaharap.
Bukod sa Sariaya, nauna nang naisagawa ang kaparehong programa sa Lucena City, at inaasahan pang maisasagawa sa mga bayan ng Tiaong, Pagbilao, at Mauban. Nagbigay rin ng libreng pagkain para sa mga alagang hayop ang ibaโt ibang katuwang na organisasyon tulad ng Unahco Incorporated (Yum Yum Dog Food), Top Breed, at Majesty.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Marivic T. Gayeta sa katauhan ni EA II Victorio Armamento para sa mga Doctor in Veterinary mula sa Pamahalaang Panlalawigan at sa Biyaya Animal Care Foundation sa matagumpay na surgeries sa mga aso at pusa na nakapon.
Sa kabuuan, umabot sa 155 alagang hayop mula sa ibaโt ibang pet owners sa Sariaya ang nabigyan ng libreng serbisyo sa naturang aktibidad.
Kaugnay nito, patuloy namang bukas ang tanggapan ng Office of the Municipal Agriculturist para sa anti-rabies vaccination ng mga aso at pusa sa halagang 50 pesos kada alaga, tuwing araw ng Biyernes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.