Isinagawa ng Sangguniang Bayan ng Sariaya ang pampublikong pagdinig at konsultasyon kaugnay ng Proposed Municipal Ordinance No. 2026-01 hinggil sa pansamantalang relokasyon ng mga awtorisadong manininda ng pamilihang bayan. Ginawa ito nitong Huwebes, Marso 19, 2026 sa unang palapag ng Sariaya New Municipal Hall, na dinaluhan ng mga vendor, opisyal ng pamahalaang bayan, at iba pang kawani.
Layunin ng nasabing konsultasyon na ipaliwanag ang ordinansang nagtatakda ng pansamantalang paglilipat ng mga manininda sa likurang bahagi ng kasalukuyang pamilihang bayan na matatagpuan sa Barangay Poblacion 3, kabilang ang mga alituntunin, regulasyon, at kaukulang parusa sa mga lalabag.
Ayon kay Municipal Administrator Randy L. Tronila, ang relokasyon ay bahagi ng pangmatagalang plano upang maisaayos at mapabuti ang kasalukuyang kalagayan ng pamilihang bayan.
Samantala, tiniyak ni Municipal Engineer Engr. Victor Alviso na masusing pinag-aralan ang naturang hakbang. Aniya, aabot sa 222 manininda ang maaapektuhan ng relokasyon, habang 205 stall naman ang nakahandang ipamahagi sa mga ito.
Ibinahagi naman ni Municipal Planning and Development Coordinator EnP Ronnie Lindog na may nakalaang tulong-pinansyal para sa mga apektadong vendor na nagkakahalaga ng kabuuang โฑ20,000. Maaaring makuha ang unang โฑ10,000 ngayong taon at ang natitirang halaga ay sa taong 2027. Mayroon din umanong nakahandang espasyo para sa mga maninindang walang permanenteng pwesto sa planong bagong pamilihang bayan.
Sa pagdinig, detalyadong ipinaliwanag ang bawat seksyon ng ordinansa at nabigyan ng pagkakataon ang mga dumalo na maipahayag ang kanilang mga saloobin at katanungan. Isa sa mga binigyang-diin ang Seksyon 6 na tumatalakay sa relocation guidelines.
Kabilang sa mga alituntunin ang validation at registration ng mga vendor, stall allocation na may sukat na 2 metro x 2 metro kada manininda, at ang pagbuo ng limang zoning areas sa pansamantalang pamilihan upang mapadali ang pag-navigate ng mga mamimili. Magkakaloob din ng temporary permit sa mga apektadong vendor.
Nagpaalala naman si Municipal Treasurer Lanie Mendoza na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-upa, pagbebenta, o paglilipat ng pwesto sa loob ng pansamantalang pamilihan. Kabilang din sa mga dapat sundin ang sanitation, fire safety, at iba pang regulasyon ng lokal na pamahalaan.
Nakasaad din sa ordinansa ang mga ipinagbabawal na gawain tulad ng pagtitinda sa labas ng itinakdang lugar, pagharang sa mga kalsada at daanan ng pedestrian, hindi wastong pagtatapon ng basura, at pagpapaupa o paglilipat ng pwesto. May kaukulang multa ang sinumang lalabag sa mga ito.
Ang nasabing ordinansa ay isinusulong nina Konsehal Teodorico de la Peรฑa, Chairperson ng Committee on Ordinances and Legal Matters, at ABC President Konsehal Romulo Gayeta, Chairperson ng Committee on Market and Slaughterhouse.
#RK1077FM #CNN
0 Comments
Be the first to share your thoughts on this story.